Default Thumbnail

Sa Pamumuno ni Mayor Ruffy Biazon, “Golden Age” mararating ng Muntinlupa

May 11, 2022 Vic Reyes 588 views

Vic ReyesSA pamamagitan ng nakaraang nasyonal at lokal na eleksyon ay nagsalita na ang taumbayan.

Dahil nabubuhay tayo sa ilalim ng tinatawag na demokrasya, dapat tayong lahat, kasama na ang mga kritiko ng administrasyon, ay sumunod sa kagustuhan ng nakararami.

Pero hindi naman ibig sabihin nito ay huwag na tayong magsalita kung may makikita tayong hindi maganda sa gobyerno.

Bilang mamamayang Filipino, may karapatan tayong iparating sa mga namumuno ang ating mga hinanakit, karaingan at problema para magawan ng solusyon ang mga ito.

Gawin lang natin ito sa pamamagitan ng dayalogo at diskusyon.

Tandaan natin, walang buting ibibigay ang dahas at init ng ulo.

Para sa kapakanan ng taumbayan, lalo na ang mga mahihirap at kapus-palad sa lipunan, kailangan na nating magtulungan ngayong tapos na ang halalan.

Tulungan natin ang papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Katulad ng kanyang amang si yumaong Presidente Ferdinand E. Marcos, isang matalinong lider si BBM.

Naniniwala tayo na “this nation will be great again.”

***

Labis tayong natutuwa dahil sa balitang magiging alkalde na ng syudad ng Muntinlupa ang isa nating kaibigan.

Ito ay si dating Customs Commissioner Ruffy Biazon, anak ni dating military general at Senador Rodolfo “Pong” Biazon, isang FBI (full-bloodied Ilocano).

Mabuti naman at nakita ng mga botante ng Muntinlupa City ang kahalagahan ng pagboto sa batang Biazon.

Noong nasa aduana si Ruffy Biazon ay personal nating nasaksihan ang kanyang kabutihan, kasipagan, kababaang-loob, honesty at dedikasyon sa trabaho.

Laging bukas ang kanyang opisina para marinig ang karaingan ng kanyang mga opisyal, tauhan, importador, customs broker at iba pang port user.

Laging pinapakinggan ang panig ng mga “warring parties” bago siya magbigay ng desisyon.

Dahil sa kanyang “sterling qualities,” marami ang nagsasabing mararating ng Muntinlupa City ang kanyang “Golden Age” sa panahon ng pamumuno ni Mayor Ruffy.

Ang kailangan lang siguro ay tulungan ng mga taga-syudad ng Muntinlupa ang kanilang bagong alkalde.

Walang magagawa ang isang lingkod-bayan kung hindi makikipagtulungan sa kanya ang kanyang mga constituent, kasama na ang mga kritiko.

Congrats, Mayor Ruffy!

***

Sana i-anunsyo na ni incoming President Marcos ang mga taong napupusuan niyang ilagay sa kanyang Gabinete at iba pang mahahalagang tamggapan ng gobyerno.

Mahalaga ito para maging “smooth” ang pagsasalin ng liderato sa mga uupong hepe ng iba’t-ibang tanggapan pagdating ng katanghaliang-tapat ng Hunyo 30.

Sa totoo lang, matatahimik ang mga nagtatrabaho sa mga opisina kung alam na nila kung sino ang magiging bagong hepe nila.

Kagaya na lang diyan sa tinatawag na “snake-infested waterfront” na kung saan lagi na lang pinag-uusapan kung sino ang magiging bagong BOC commissioner.

Isa kasi ang BOC sa mga opisinang pinaglalawayang pamunuan ng maraming kababayan natin, kasama na ang mga dating politiko.

Ang hindi alam ng mga taong ito ay mahirap pamunuan ang aduana sa dami ng mga ma-impluwensyang tao na halos araw-araw ay may gustong hinging pabor.

Kung hindi matitibay ang loob ng magiging hepe ng aduana ay baka bigla na lang mag-alas balutan pagkatapos lamang ng ilang buwan.

At dapat lagin siyang nakabantay sa kanyang harap, tagiliran at likod, mahirap na, baka masingitan siya.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE