Mercy

‘Sa Huling Pag-uwi Mo’ alay ng Aegis kay Mercy

January 10, 2025 Ian F. Fariñas 72 views

MAIIBA nga ang “Halik sa Ulan: A Valentine Special” concert ng iconic OPM rock band na Aegis na gaganapin sa New Frontier Theater, February 1 and 2, dahil wala na ang isa sa vocalists nito na si Mercy Sunot.

Emosyonal na humarap sa press sina Juliet at Ken, mga kapatid ng yumaong singer, para sabihin na tuloy ang pagpe-perform ng Aegis dahil ‘yon ang gusto ni Mercy.

“Kailangan namin lalong galingan kasi iba talaga ‘yung kumpleto kami,” panimula ni Juliet.

“Kasi nu’ng time na naano ‘to, naplano talaga, si Mercy, gusto namin talaga gumaling lang talaga siya. Pero talagang umalis na talaga siya sa amin nang tuluyan. Kailangan namin talagang ipagpatuloy namin, nasimulan na po namin ’to so gagalingan po namin,” maluha-luha pa niyang dagdag.

Si Ken naman, na dati’y back-up lamang sa dalawang ate niya, umamin na nakakaramdam ng pressure dahil kailangan niyang mag-step-up at kunin ang papel na naiwan ni Mercy.

Aniya, “Iba ‘yung pressure kasi iba ‘yung ano ni Ate, ‘yung genre. So, lalo na ngayong concert na ‘to, first time ko na wala… first time namin na wala si Ate so kakayanin ko, galingan ko pa sana, challenge sa ‘kin.”

Nang malaman umano nila na sumakabilang-buhay na si Mercy sa Amerika noong November, 2024 dahil sa sakit na cancer, halos hindi na sila nakakanta.

Pero ngayon, kailangan nilang ituloy ang two-night show dahil pangarap ito ng nasirang kapatid. Bago nga raw ito operahan sa Tate, sinabi pa ni Mercy na gusto na niyang umuwi dahil gusto niyang sumama sa concert na ito.

“‘Andito pa rin po kami kasi ‘yun po ang gusto ni Mercy. Tuloy pa rin po ‘yung Aegis kahit uugud-ugod na kami,” umiiyak na pangako ni Juliet. “Siya po ang nagsabi sa grupo na wala pong iwanan. Pero siya po ang nang-iwan sa amin.”

At bilang pagpupugay kay Mercy, kakantahin ng grupo sa concert ang “Sa Huling Pag-uwi Mo,” isang bagong kantang alay nila sa kanya.

Bukod dito, asahan din ang kanilang signature hits tulad ng “Halik,” “Basang-Basa sa Ulan,” “Sayang na Sayang” at marami pang iba.

Sasamahan ang Aegis ni Morissette Amon, ng grupong Formula 5 at isa pang surprise guest sa Feb. 1 habang sina Ogie Alcasid, Jona, Julie Anne San Jose at ang Formula 5 ang makikipagbiritan sa grupo sa Feb. 2.

Handog ng FLM Creatives and Productions Inc. at CFA, available na ang “Halik sa Ulan: A Valentine Special” tickets sa Ticketnet.

AUTHOR PROFILE