Default Thumbnail

RUNNER DEDO SA 21-KM RACE

October 3, 2023 Christian D. Supnad 129 views

BACNOTAN, La Union – Isang 41-anyos na sportsman ang namatay habang nakikilahok noong Lunes sa running competition na ginanap sa loob ng state university dito.

Ayon sa report ng pulisya, ang lalaking taga-Caloocan City ay sumali sa “Spartan Trail Run 2023” noong maganap ang insidente.

Patapos na ang biktima sa 21-kilometer race nang bigla itong bumagsak sa loob ng unibersidad sa North La Union Campus sa Barangay Sapilang, Bacnotan, La Union.

Agad namang sumaklolo sina Thumbie Remegio, Spartan Race director, at Jessie Cunanan sa biktima. Sila’y humingi ng tulong sa pulisya ng Bacnotan at mga tauhan ng Bacnotan Fire Station na agad namang rumesponde.

Kaagad dinala ang biktima sa Bacnotan District Hospital sa La Union para sa medical treatment.

Ngunit inilipat siya sa Ilocos Training Regional Medical Center (ITRMC) sa San Fernando City, La Union, kung saan nalaman ng duty physician ng Bacnotan District Hospital na si Dr. Ana Claire Pagnas-Buyagao na nagkaroon ito ng stroke at heart attack.

Sa kasawiang palad, ang biktima ay idineklara na patay na ni Dr. Wendy A. Jugawin, medical officer III, habang ginagamot ito sa intensive care unit ng ITRMC.