ROTC at Scouting
HABANG naka-full swing ang pamahalaan sa pagbabalik ng mandatory ROTC sa mga senior high school, maganda ring maisama sa usapan ang mandatory scouting sa mga mag-aaral natin sa elementarya.
Makailang ulit na nating binabanggit ang kahalagahan ng pagpapasigla sa Boy Scout at Girl Scout bilang bahagi ng elementary at high school extra curriculum kung gusto nating makapag-produce ng mga batang “may laban.”
Inabot ko pa ang Boy Scout sa elementary hanggang high school kaya puwede nating sabihing first person account ang ating kagustuhang makabalik ito sa bakuran ng mga paaralan.
Sa halip na pinababayaan natin ang mga batang nakatutok sa kanilang mga gadgets, mas mabuting ibalik natin sila sa produktibong socialization na walang panganib sa kanilang mental health.
Nang maging Boy Scout ako sa elementarya, doon ay nahulma kaming maging malapit sa Diyos, malapit sa kapwa tao at malapit sa pamilya. Doon din kami ay naturuang maging responsableng bata dahil nagpapalitan kami sa pagluluto, sa paghuhugas ng aming mga pinagkainan at kanya-kanya kaming pagliligpit ng higaan sa tuwing may camping.
Up close and personal, doon made-develop ang totoong socialization dahil magbubuo kayo ng patrol team at pipili kayo kung sino ang inyong patrol leader. Kayo-kayo ang magtatayo ng inyong mga tent na matutulugan at kayo-kayo rin ang magsasamang maghanda ng inyong mga pagkain sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw na camping.
Team building to the max ito sa tulong ng inyong indibiduwal talent. Ang nabuong patrol team ay maghahanda rin ng mga skit performance para sa gabi ng camp fire, may presentasyon at kompetisyon ang bawat patrol na ginagap sa gitna ng bonfire. Magkakasama kayong nagdarasal bago kumain at sama-sama kayong nag-aayos ng inyong mga kalat pagkatapos ng activities.
Wala pa kaming mga gadgets noon dahil ang pinaka-libangan namin ay ang panghuhuli ng gagamba at salagubang sa tuwing may hiking. Marami kaming natutunan sa Scouting, kasama na ang pagsibak ng kahoy at pabilisang magparingas ng inyong mga gatong sa pagluluto.
Kanya-kanya rin kaming imbento ng mga “yell” na siyang magiging “battle hymn” nyo sa gabi ng kompetisyon sa gitna ng nagdiringas na bonfire.
Ang Scouting ay totoong brotherhood na walang hazing, walang sakitan dahil paghuhulma talaga ito ng isang bata patungo sa isang responsable at mabuting mamamayan.
Hindi natin alam kung bakit nawala ito sa maraming paaralan. Dahil nga siguro hindi naman mandatory. Mapalad pa kaming mga inabot ng Scouting hanggang high school.
Kaya nga sana maisingit din ng Marcos administration sa tulong ni VP at Deped Secretary Sara Duterte ang pagbabalik ng scouting kahit doon lang sa elementarya. Naniniwala akong ang pagbuhay sa ROTC at Scouting ay makakatulong nang malaki para makalikha tayo ng mga kabataang may respeto sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay mula sa kapwa, pamilya, bandila at sa kanyang bansa.