Rotary Int’l District 3810 mangangasiwa sa Alay Lakad 2024
HANDA ng umarangkada ang Alay Lakad 2024 na pangangasiwaan ng Rotary International District 3810 sa pamumuno ni District Governor Jackie Rodriguez sa Nobyembre 24, araw ng Linggo, sa Quirino Grandstand, Rizal Park, Manila.
Sa ginanap na pulong-balitaan Martes ng tanghali sa National Press Club (NPC), inihayag ng mga opisyal ng Alay Lakad Foundation, Inc. ang layunin ng Alay Lakad na mabuksan ang daan para sa mas mahusay na komunikasyon at unawaan sa pagitan ng mga kabataan at katandaan, pati na rin sa pangangailangan sa epektibong ugnayan ng publiko at pribadong sektor sa pagtaguyod ng kapakanan ng mga kabataan at turuan sila na magpasimula at mamahala ng mga proyekto at aktibidad para sa kanilang personal na pag-unlad at mas mainam na buhay-pamilya.
Tampok sa taong ito ang temang “Alay Lakad para sa Kabataan ng Bagong Pilipinas” kung saan sabay-sabay ang gagawing paglalakad sa National Capital Region (NCR) at mga rehiyon ng Luzon, Visayas, hanggang Mindanao.
Nakatakdang pangunahan nina Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, Department of Education Secretary Edgardo Angara, at iba pang opisyal ng local at national government, mga pampubliko at pribadong sektor ang sabay-sabay na paglalakad sa buong kapuluan.
Ang makakalap namang pondo sa isasagawang Alay Lakad 2024 ay gagamitin ng Alay Lakad Foundation Inc. sa pagkakaloob ng scholarship sa mga kabataan, walang tubong pautang sa mga karapat-dapat na benepisyaryo para sa mga proyektong tulad ng food vending, sari-sari store, garment vending, pag-aalaga at pagpapadami ng mga baboy, manok, isda, at iba pang aktibidad na kinakailangang tustusan.
Kabilang sa mga dumalo sa pulong-balitaan sina Alay Lakad Foundation Inc. President John Siy, Director Ryan Calanta, Director Assistant Treasurer Augusto Chua, Director Atty. Joe Redoblado at Director Tutsi Tutica.