Roselle iniyakan ang papugay kay Mother sa ‘My Future You’
Ito ang unang Paskong ipagdiriwang ng pamilya Monteverde na wala na ang mga magulang nila na sina Father Remy at Mother Lily.
Ito rin ang unang pagkakataon na hindi na masisilayan ni Mother ang official entry ng Regal Entertainment, Inc. sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) na “My Future You.”
Pinagbibidahan ng tambalang FranSeth (Francine Diaz at Seth Fedelin), isa ito sa tatlong pelikula na binigyan ng green light ng lady produ bago mawala nito lamang Agosto.
Dahil dito, emosyonal na sinabi ni Roselle Monteverde na inalala nila si Mother sa end credits ng “My Future You.”
“Sa last part ng movie, of course, we put, you know, ‘In memory…’ You know, du’n talaga ako sobrang… when I watched it, ’yung part na ‘yon du’n ako sobrang naiyak, naiyak talaga ako,” sey ni Roselle nang dumalo sa intimate pre-Christmas get-together kahapon ng kasamahang Jun Lalin.
Patuloy ni Roselle, “Everytime I would remember any occasion like this I would remember her and nakaka-miss talaga. So anywhere I go, nakaka-miss because I always remember her. And ‘yung legacy naman na naiwan niya sa amin is really to continue this business and to really help each other out in this entertainment industry. Suportahan natin, ha?”
Lahat-lahat daw tungkol kay Mother ay nami-miss ni Roselle.
“Everything. Kasi, you know, of course, they’re your parents. You cannot be who you are without them, ‘di ba? Lahat naman ng memories ng uma-attend ng, anywhere you go, ’pag showbiz, you remember Mother. Kaya it’s not easy to be… normal naman siguro ‘yan,” lahad pa niya.
Simple lang umano ang magiging selebrasyon ng pamilya this Christmas. Magsasama-sama lang silang magkakapatid sa bahay ng mga Monteverde sa Greenhills.
Magiging extra special lang ito dahil sa katatapos na panalo ng koponan ng UP sa UAAP.
As we all know, ang kapatid ni Roselle na si Goldwin ang coach ng UP Maroons.
Tsika ni Roselle, sobrang stressed siya tuwing nanonood ng game. Nawawalan pa nga raw siya ng boses lalo na nu’ng Game 2, kung saan natalo ang UP by one point.
Last seven minutes na nga lang daw ang inabutan niya noong Linggo ng gabi dahil galing siya sa ginanap na Konsyerto sa Palasyo (Para sa Pelikulang Pilipino).
Nang sabihin na very Mother na ang dating niya, tanong ni Roselle, “Talaga ba? Ayan na ang legacy ‘coz you have nothing to hide, just be sincere with everything sa TV.”
Mabilis naman niyang sinalag ang impresyon na magka-level na rin sila ng yumaong ina.
“Kasi my mom is very hands on, ’di ba? Parang morning pa lang tatawag na ‘yan. Tapos, you know, she would, ‘uy, si ganu’n, si ganu’n ‘wag mong kalimutan. Hindi siya ‘yung nag-i-instruct ng what to do, du’n sa premiere night. Ang pinapaalala niya ‘o, si ganyan ‘wag mo kalilimutan, si ganun, ganun,’ ang dami niyang mine-mention na names, ‘wag mo kalilimutan.’ ‘Yun ang mga nire-remind niya, not really the logistics, wala, hindi na siya masyadong gumaganu’n.
“No, I cannot be at par with her. She’s different, you know. She founded Regal and I think we could all say that she’s really an icon in the industry. A politician even told me when I received an award recently, sinabi sa’kin nu’ng… he used to be a senator, ‘your mom is a legend. you cannot be like her.’ I said, ‘sir, yes, i know. definitely I could not be like her.’”
Kung meron man umano siyang namana kay Mother Lily, ito ay ang management style niya na hands on, truthful sa lahat ng ginagawa.
“Just be sincere and the passion. Kasi ‘pag may ganyan ka parang hindi ka naman napapagod mag-work and that’s what keeps you going.
And you need to be grounded, ‘di ba, you need to know kasi siya ‘yung nauuna sa balita, bakit kaya? ‘Di ba? Kasi ang routine niya every morning is to call everyone. Isa- isa niya tatawagan talaga. Ang bilis niya makakuha ng balita,” papuri ni Roselle kay Mother.
Anyway, ngayon pa lang ay naghahanda na ng ilang proyekto ang Regal para sa 2025.
Ayon kay Roselle, kabilang dito ang dalawang serye, apat hanggang limang pelikula at ang possible entry nila sa MMFF.