Vic Reyes

Rose Nono Lin pinabulaanan akusasyon ni Col. Eduardo Acierto

November 20, 2024 Vic Reyes 99 views

ISANG magandang araw sa lahat ng ating mga suki natin, lalo na sa Japan.

Nawa’y nasa mabuti at ligtas kayong kalagayan.

Bago ang lahat, Ipanalangin natin ang maagang paggaling ni Sakura, ang prinsesa ni La Dy Pinky.

Binabati ni Teresa Yasuki si Marivic Aoyama ang bagong halal na pangulo ng Japan-Philippines Friendship Association (JPFA) ganun din sa lahat ng mga opisyal sa ginanap na Induction Ceremony noong Nobyembre 8, 2024.

Mabuhay kayong lahat!

Binabati rin natin sina: Tata Yap Yamazaki , Marilyn Yokokoji, Winger dela Cruz, Endo Yumi, Hiroshi Katsumata, Glenn Raganas at Josie Gelo na magdiriwang ng kanyang kaarawan sa Noyembre 24.

Hinamon ni Rose Nono-Lin ang mga umaakusa sa kanyang asawa na maghain ng kaukulang kaso sa proper court upang matugunan nila ang maling paratang.

Kamakailan lang, lumutang, via Zoom, si Col. Eduardo Acierto sa pagdinig ng House Quad Committee at nagpakawala ng testimonya base lang sa intelligence report na siya mismo ang gumawa.

Sa kanyang testimonya sa Kamara, wala naman daw kasing mailabas na matibay na ebidensya si Acierto kaugnay ng isinumiteng ulat sa noo’y Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde at maging sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamumuno ni former Director General Aaron Aquino.

Aniya, isang tao lang ang drug personality na nagngangalang Allan Lim at negosyanteng Lin Wei Xiong. Pero wala siyang konkretong basehan man lang tulad ng dactyloscopy report na ginawa ng National Bureau of Investigation (NBI) kay former Bamban Mayor Alice Guo.

Sa pagsusuri ng NBI, lumabas na isang tao lang ang alkalde at ang Chinese national na si Guo Hua Ping.

Lumalabas tuloy na gawa-gawa lang ang paratang ni Acierto na kabilang sa talaan ng mga pulis na dawit di umano sa kalakalan ng droga.

Kung legalidad din lang ang pag-uusapan, hindi tinatanggap sa husgado ang testimonya ng isang testigo halaw sa usapang barbero. Hindi kataka-takang umalma ang kabiyak ng negosyanteng idinawit sa kalakalan ng droga.

Hamon ni Rose Nono Lin kay Acierto na magsampa ng kaso sa husgado para magkaalaman na kung ano ang totoo.

Nanindigan si Nono Lin na isang lehitimong negosyante ang kanyang mister na si Lin Wei Xiong at mali ang inaakusa rito.

Idinagdag ni Nono Lin na naging mag-asawa sila sa huling 11 taon at ang alam niyang pangalan nito ay Lin Wei Xiong at gumagamit din ng pangalang Jeffrey, wala itong alam tungkol sa iba pang mga pangalan na iniuugnay sa kanyang mister.

Itinanggi rin ni Nono Lin na nagtatago ang kanyang mister sa Dubai, at sinasabi nitong nagkita sila noong Nov. 1 sa Hong Kong kung saan pinangangasiwaan nito ang ilan sa kanilang mga negosyo.

Gumawa rin ng parehong paglilinaw si Nono Lin sa nasabing pagdinig ng House Quad Committee.

Sa parehong pagdinig, sinabi ni dating PDEA chief Wilkins Villanueva sa mga mambabatas na si Allan Lim na iniugnay sa iligal na droga at ang asawa ni Nono-Lin ay hindi iisang tao.

Nang ipinakita ang dalawang larawan, isa sa kanila ang kinumpirma ni Nono Lin bilang kanyang asawa nguni’t hindi ang isa na may bigote.

Kinumpirma rin ni Villanueva, na hindi magkaparehong tao ang iprinisintang larawan.

(Para sa inyong komento at pagbati. mag-text sa # +63 9178624484. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE