Default Thumbnail

Robin: Mandatory ROTC, Paiigtingin ang Pagrespeto sa Karapatang Pantao

December 1, 2022 Marlon Purification 355 views

Marlon PurificationBUKOD sa paghanda sa kabataan upang tumugon sa bantang panlabas at sa sakuna, paiigtingin ng Mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) ang pagrespeto sa karapatang pantao, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla.

Idiniin ni Padilla na naghain ng Senate Bill No. 236 o ang Mandatory Reserve Officers Training Corps Act na kasama sa mandatory ROTC – na itinuturo ang disiplina at kasanayan sa mga kabataan – ang Human Rights and Humanitarian Law.

“Kasanayan sa Human Rights and Humanitarian Law. Isa po ito sa naiibang sangkap ng panukalang batas na ating inihain dito sa Mataas na Kapulungan. Naniniwala ang inyong lingkod na magiging napakahalagang sangkap po ng Mandatory Reserve Officers Training Corps ang kaalaman sa pagtataguyod ng karapatang pantao kaalinsabay ng pagsasanay para sa ating national defense program,” aniya.

Dagdag ni Padilla, ang basic ROTC Program ay magkakaroon ng training sa external and territorial defense, at makatutulong ito sa pagtugon sa tunggalian pagdating sa hangganan ng ating mga karagatan sa Dagat Kanluran ng Pilipinas.

Gayundin ang mga tensyong geo-pulitikal na nagaganap sa iba’t-ibang panig ng mundo, na hindi man direkta, ay may mga implikasyong hindi natin maaaring ipagwalang-bahala bilang isang bansa, aniya.

“Naniniwala ako na nararapat lamang na maihanda natin ang ating mga kabataan upang matiyak ang seguridad ng Estado sa oras na hingin nito ng pagkakataon,” ayon kay Padilla.

Makatutulong din ang Mandatory ROTC sa kasanayan sa internal security, peace and order at public safety, sa pagsugpo sa banta sa seguridad at kaligtasan sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.

Ayon din kay Padilla, makatutulong ang ROTC sa pagsasanay sa Disaster Risk Reduction and Management. “Hangad natin na magkaroon ng organisadong grupo na aalalay sa pamahalaan upang sumagip ng buhay sa panahon ng sakuna,” aniya.

Nilinaw ni Padilla na exempted sa programa ang mga “physically or mentally unfit to render military service,” ang persons with disability, at mga na-convict sa criminal offenses involving moral turpitude. Exempted din ang mga may isyu dahil sa pananampalataya, at ang mga dumaan na sa “similar military trainng from a previous undergraduate degree or diploma program.”

Kasama sa mga alternatibo sa mga exemptions na ito ang programa sa Special National Service Training na binubuo ng mga sumusunod: Literacy Training Service Program; Civic Welfare Training Service Program; Emergency Life Support Training Service Program; Search and Rescue Training Program; at ang Community Service for Drug Rehabilitation.