Padilla

Robin, hati ang loob sa showbiz at pulitika … aktor, nag-iisip kung tatakbong senador, gobernador o mayor

September 19, 2021 Vinia Vivar 354 views

Ang akala namin ay nakapagdesisyon na si Robin Padilla na hindi niya papasukin ang pulitika.

Matapos nga kasing mapabalita na kasama siya sa senatorial slot ng administrasyong Duterte ay nagpahayag siya na wala siyang balak tumakbong senador at ang gusto niya ng tahimik na buhay sa piling ng kanyang pamilya.

Pero sa kanyang recent Facebook Live na may titulong “Pelikula O Pulitika,” sinabi niyang naguguluhan siya ngayon at iniisip mabuti kung tatakbo ba o hindi sa darating na eleksyon.

“Sobra akong naguguluhan ngayon, todo akong naguguluhan. Pinakamabigat na desisyon na yata itong mangyayari sa buhay ko,” saad ni Binoe.

Hindi makapagdesisyon ang action star kung tatakbo ba siyang senador o gobernador ng Camarines Norte o alkalde ng Jose Panganiban ng naturang lalawigan.

“Binalak kong tumakbo sa Camarines Norte bilang governor pero na-shock ako doon sa gastos. Hindi ko kaya ‘yun. P150 million, saan naman ako kukuha no’n?” aniya.

“Pero sa kalagayan ng mga tao ngayon sa Camarines Norte, wala na talagang inangat ang buhay ng tao. Nag-iisip talaga ako kung ano ba ang desisyon na gagawin ko,” sey pa niya.

Kung tatakbo naman daw siyang senador, maisusulong niya ang matagal na niyang minimithing Pederalismo sa ating bansa.

“Kasi alam n’yo, kung meron talagang gamot sa korapsyon, pederalismo ‘yun. ‘Yun lang, wala na tayong iba kasi itong sistema na ‘to ng gobyerno na ‘to, nandito lahat ng klase ng korapsyon,” paliwanag ni Binoe.

Kung sakali naman daw na tatakbo siyang mayor ng Jose Panganiban na dati ring posisyon ng kanyang yumaong ama, nais niyang paunlarin ang bayan at marami siyang proyektong nasa isip.

“D’yan po sa Jose Panganiban, sa Bicol. Kapag nagkaroon po tayo ng high-tech na port dyan, airport at seaport ay made-develop po ‘yan. Kapag na-develop po ‘yan ay magkakaroon ng magandang kinabukasan unang-una ang mga taga-Camarines Norte,” saad ng aktor.

Kung sakali namang hindi siya kakandidato ay may offer daw sa kanya na gawin ang Bad Boy 3 at Mistah 2 na pareho raw napakalaking pelikula.

Kaya naman humihingi siya ngayon ng tulong sa netizens kung pulitika o pelikula.

“Kaya kayo na lang po ang tatanungin ko, mga mahal kong kababayan, kung ano sa palagay niyo ang dapat kong gawin. Kayo na po ang magdesisyon kung sa pulitika tayo o pelikula,” mensahe ng aktor sa mga netizen.

Sa ngayon ay may 10,000 comments na ang video at hati ang opinyon ng mga tao.

May nagsasabing sa showbiz na lang siya dahil magulo ang pulitika, may nagpapayo namang tumakbo siyang senador.

May nagsabi rin na pwede naman niyang pagsabayin ang showbiz at politics.

AUTHOR PROFILE