Robin

Robin at Mother Lily ilang beses nagsaulian ng down payment

August 11, 2024 Vinia Vivar 135 views

Dumalo si Sen. Robin Padilla sa last night ng wake ni Mother Lily Monteverde noong August 9 sa 38 Valencia Events Place.

Sa kanyang eulogy ay sinabi ng aktor/politiko na hindi siya naging Regal Baby pero si Mother Lily ang nagbigay ng break sa kanya bilang leading man at isinama siya TV drama anthology ni

Maricel Soriano na ipino-produce nito noon.

Hanggang sa napunta na siya sa Viva Films pero lagi pa rin siyang inaalok ng Regal matriarch ng pelikula.

“Ilang beses po kaming nagbayaran ng down payment, ilang beses din po kaming nagbalikan ng down payment,” aniya.

Kahit hindi siya nagkaroon ng pelikula sa Regal Films ay nanatili raw na maganda ang relasyon nila ni Mother Lily.

Hindi niya makalimutan na noong nasunog ang katawan niya dahil sa aksidente ay araw-araw siyang dinadalaw ng producer sa ospital.

“Naging napakaganda po ng relationship namin lalo nu’ng nasunog ako. Nasunog po kasi ako, naaksidente ako, dito lang ako sa Cardinal Santos (hospital).

“Araw-araw akong pinupuntahan ni Mother. Dinadalhan niya ako ng sharks fin soup. Sabi niya, ‘maganda ‘yan sa balat mo.’

“Tapos dinadalhan niya ako ng quail egg soup. Araw-araw po ‘yun, isang buwan po ako diyan sa Cardinal Santos. Mas maraming beses niya akong dinalaw. At lagi niya akong binibigyan ng siyempre, nandiyan ‘yung tulong pambayad sa ospital,” pag-alala ni Binoe.

Isa pang hindi niya makakalimutan sa film icon ay noong panahong nasa kulungan siya ay lagi rind aw siyang dinadalaw nito, gayundin ang pagbibigay sa kanya ng producer ng pambayad ng tuition fee ng kanyang mga anak.

“Hanggang sa kulungan ko, pinupuntahan ako ni Mother. Hindi niya ako artista, ha? Hindi katulad ninyo, artista niya kayo. Pero hanggang sa Bilibid pinuntahan ako ni Mother. Hanggang sa makalabas ako, binigyan ako ng dinner ni Mother. Ganu’n po. Unang abroad namin, unang pang-enroll ng anak ko, binigay ni Mother Lily,” pahayag ng Senador.

In the truest sense of the word, naging mother din daw talaga sa kanya si Mother Lily.

AUTHOR PROFILE