Mendoza

Road safety seminars para sa trike drivers paiigtingin ng LTO

June 25, 2024 Jun I. Legaspi 169 views

INATASAN ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang lahat ng regional directors (RDs) at district office heads na paigtingin ang road safety seminars para sa mga tricycle drivers.

Ito’y kasunod ng paglulunsad ng TODA (Tricycle Operators and Drivers Association) Learning Centers na naglalayong turuan ang mga miyembro ng TODA tungkol sa kaligtasan sa kalsada na naaayon sa advocacy ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista.

“Marami na tayong nakitang mga viral videos kung saan ang tricycles na pumapasada ang pinagsisimulan ng road rage.

Nais nating proteksyunan ang mga kaibigan nating mga TODA members by equipping them with knowledge on road safety,” ani Mendoza.

Ang pagtatatag ng TODA Learning Centers naglalayong turuan ang mga miyembro tungkol sa kanilang mga karapatan at obligasyon sa kalsada.

Sinabi ni Mendoza na nais nilang magtayo ng mas maraming TODA Learning Centers, lalo na’t umaasa ang mga tricycle driver sa kanilang trabaho para mapakain ang kanilang pamilya at mapag-aral ang kanilang mga anak.

Inatasan din ni Mendoza ang mga RDs at district office heads na tiyakin ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan na siyang nagbibigay ng mga permit sa mga tricycle driver upang makapag-operate.

Ayon sa United Nations, humigit-kumulang 1.3 milyong tao ang namamatay bawat taon dahil sa mga aksidente sa kalsada at 58% nito sa Asia-Pacific.

Sa Pilipinas, nasa average na 32 katao ang namamatay araw-araw dahil sa mga aksidente sa kalsada, ayon sa datos ng UN.

Itinulak ni Secretary Bautista ang pagbawas ng mga aksidente sa kalsada sa Pilipinas sa ilalim ng Philippine Road Safety Action Plan na iprinesinta sa Asia Pacific Road Safety Observatory 2023 Annual Meeting.

“Our goal of reducing road accident deaths by 35 percent by 2028 and by 50 percent by 2033 was endorsed by the United Nations General Assembly.

This is part of the Philippine Road Safety Action Plan that actively promotes road safety,” saad ni Secretary Bautista.

AUTHOR PROFILE