Default Thumbnail

RIT na snatcher tiklo sa Sampaloc

December 13, 2022 Jonjon Reyes 205 views

DAHIL sa walang tigil na ipinatutupad na “Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation” o SACLEO, pasok sa selda ang isa sa tinaguriang “riding in tandem” (RIT) makaraang matimbog sa panghahablot ng mobile phone sa isang 27-anyos na dalaga sa panulukan ng Dapitan at San Diego Streets, Sampaloc, Maynila Lunes ng umaga.

Dahil sa maagap na pagsuplong sa insidente, nahuli sa hot pursuit operations ang back rider na suspek, pawang residente ng Barangay 346 Zone 35 Sta. Cruz, Maynila.

Batay sa ulat nina Pat. Jericho Lopez at Pat.J onathan Abad, kapwa nakatalaga sa Manila Police District (MPD) University Belt Police Community Precinct (PCP) sakop ng Barbosa Police Station, bandang 7:00 ng umaga (Disyembre 12), nang hablutin ang kulay crystal blue na Oppo A92 smartphone na nagkakahalagang P16,000 mula sa isang dalagang biktima na residente ng Laon Laan St., Sampaloc.

Salaysay ng dalaga, habang nag-aabang ito ng pampasaherong jeep papasok sa kanyang trabaho, biglang sumulpot ang magkaangkas sa motorsiklo at hinablot ng angkas nito ang kanyang cellphone.

Kasalukuyan namang nagpapatrol ang dalawang pulis sa area nila sa A.H. Lacson at Dapitan nang mamataan nila ang komosyon sa nasabing lugar at kahit hindi nila sakop, nagsagawa sila ng hot pursuit at naaresto ang suspek na back rider.

Tumagal ng halos ilang oras pero hindi nahagilap ang rider na suspek, kaya matapos maipablotter sa U-Belt PCP, iturnover ang back rider na suspek sa tanggapan ni P/Lt. Col. Wilson Villaruel, commander ng MPD Sampaloc Police Station, at nabawi naman ang cellphone ng biktima.

AUTHOR PROFILE