Default Thumbnail

RIT na bumaril sa 1 kelot, tiklo agad sa Taguig City

March 1, 2023 Edd Reyes 279 views

NADAKIP ng pulisya ang dalawang lalaking bumaril at malubhang nakasugat sa 22-anyos na binate, Miyerkules ng madaling araw sa Taguig City.

Naglalakad sa kahabaan ng Deaño St., Bgy. Central Bicutan ang biktima dakong ala-1:15 ng madaling araw nang dikitan ng riding-in-tandem (RIT) sakay ng motorsiklo at kaagad na binaril ng back rider ang binata na tumama sa kanyang dibdib.

Nasaksihan naman ng testigong itinago lang sa alyas “Jericho” ang pangyayari kaya’t kaagad siyang humingi ng tulong sa mga nagpa-patrolyang miyembro ng Barangay Security Force ng Bgy. Central Bicutan na silang nagdala sa biktima sa Taguig-Pateros District Hospital kung saan siya kasalukuyang nakaratay at patuloy na ino-obserbahan.

Nang makarating naman sa kaalaman ng mga tauhan ng Taguig Police Sub-Station 7 ang insidente, kaagad silang nagsagawa ng follow-up operation sa tulong na rin ng ibinigay na deskripsiyon ng testigo sa pagkakakilanlan sa mga suspek.

Dakong alas-4:15 ng madaling araw nang masukol ng pulisya ang dalawang suspek sa San Juan St., Bgy. Central Bicutan.

Nagpa-abot naman ng papuri si Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft sa mabilis na pagresponde ng mga tauhan ng Taguig Police na nagresulta sa pagkakadakip kaagad ng dalawang suspek, tatlong oras lamang, makaraan nilang isagawa ang krimen.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril habang inihahanda na ang kaukulang kasong isasampa laban sa mga naarestong suspek.

AUTHOR PROFILE