Risa: POGO sentro ng propaganda, disinfo
IBINUNYAG ni Sen. Risa Hontiveros ang nakakabahalang ebidensiyang nag-uugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa espionage, disinformation campaigns, human trafficking at mga krimeng pinansyal sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado kaugnay ng POGOs.
Inilarawan ng senador ang mga POGOs bilang “halimaw” na sumisira sa soberanya ng bansa at umaabuso sa mga kahinaan ng sistema ng Pilipinas.
“POGO is a monster. Siya ay halimaw na gumagawa ng human trafficking, money laundering, torture, at espionage,” ayon kay Hontiveros.
Sa gitna ng imbestigasyon, binanggit ni Hontiveros si She Zhijiang, isang Chinese national na inakusahan ng ilegal na operasyon ng lottery platforms sa Pilipinas simula pa noong 2011.
Base sa ebidensya, na-recruit si She ng Chinese Communist Party (CCP) bilang intelligence asset noong 2016 sa tulong ng opisyal na si Ma Dong Li, na apat na beses bumisita sa Pilipinas noong panahong iyon.
Sa kabila ng kaso laban kay She sa China noong 2014, nabigyan pa rin siya ng CEZA visa noong 2017 na nagbigay-daan sa patuloy na operasyon nito.
Kabilang din sa isyu si Alice Guo o Guo Hua Ping, na tinukoy bilang posibleng “agent of influence” ng CCP.
Bagamat mariing itinanggi ni Guo ang mga alegasyon, binanggit ni Wang Fu Gui, dating kasamahan ni She, na ang kampanya ni Guo para sa posisyon sa pulitika sinuportahan ng Chinese state security.
Bukod sa espiya, inilarawan ni Hontiveros ang POGO compounds bilang mga sentro ng propaganda at disinformation.
Nabulgar din sa hearing ang ebidensiya na isang spa sa Pasay na may kaugnayan kay She naglalaman ng QR code na nagdadala sa Telegram groups na nagpo-promote ng anti-US na mensahe at pag-loyalty sa China.
“Mukhang hindi lang sugal, scam at trafficking ang pakay ng mga compound na ito, kundi fake news din,” babala ni Hontiveros.
Pinatotohanan ni Francisco Ashley Acedillo, Deputy Director General ng National Intelligence Coordination Agency (NICA), ang ugnayan ng POGOs sa disinformation.
Ipinaliwanag niya na ginagamit ang mga pasilidad ng POGO para sa mga operasyon ng maling impormasyon at impluwensya sa opinyon ng publiko.
Idinagdag din niya ang peligro ng IMSI catchers, mga device na ginagaya ang cell towers para makuha ang komunikasyon ng mga telepono.
“IMSI catchers are a tool of espionage. They allow operators to intercept calls, track mobile users and even access sensitive data,” paliwanag ni Acedillo.
Nagbabala rin siya na ang mga teknolohiyang ito ay maaaring gamitin para sa malawakang cyberattacks laban sa mga halalan at imprastrakturang kritikal ng Pilipinas.
Samantala, inakusahan din ni Hontiveros si Michael Yang, dating economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ng pagtulong sa mga operasyon ng POGO at posibleng iba pang ilegal na gawain tulad ng drug trafficking.
“Michael Yang is a key actor in Chinese intelligence operations here. Ginatasan na tayo, pinagtaksilan pa,” ani ni Hontiveros.
Nanawagan si Hontiveros ng agarang aksyon upang tuluyang masugpo ang mga operasyon ng POGO, palakasin ang cybersecurity protocols at sugpuin ang dayuhang impluwensya.
Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng pananagutan mula sa mga ahensya tulad ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA), na siyang nagbigay ng daan sa operasyon ni She Zhijiang.
Binigyang-diin din ni Acedillo ang pangangailangan ng mga repormang pambatas, kabilang ang pagbabago sa mga batas laban sa espiya at mas matibay na proteksyon laban sa dayuhang impluwensya.
“No region is exempted from these activities,” aniya.
Sa pagbuo ng mga rekomendasyon ng Senado, ipinahayag ni Hontiveros ang kahalagahan ng proteksyon sa soberanya ng bansa.
“Pero sino ang bumusog sa halimaw na ito?” tanong niya, na nagpanata na ipagpatuloy ang laban para sa hustisya at seguridad ng bansa.