Risa Source: Screen grab mula Risa Hontiveros FB post

Risa hiniling imbestigasyon sa mga aberya sa e-wallet

November 22, 2024 PS Jun M. Sarmiento 112 views

NANAWAGAN si Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros para sa isang agarang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga aberya at umano’y paglabag sa seguridad ng GCash platform, na nagdudulot ng pangamba sa kaligtasan ng milyun-milyong Pilipinong gumagamit nito.

Layon ng imbestigasyon na tugunan ang mga ulat ng hindi maipaliwanag na pagbabawas ng balanse sa mga account, kung saan iniulat ng mga biktima ang pagkawala ng halagang mula ₱1,000 hanggang ₱2,000 sa loob ng magkakasunod na araw.

Binigyang-diin ni Hontiveros ang pangangailangang tiyakin ang seguridad ng mga financial technology platform tulad ng GCash, na malawakang ginagamit para sa mga digital na transaksyon sa bansa.

“Whether the issue is an internal glitch or external hacking, this raises serious questions about the platform’s reliability and security. Millions of Filipinos rely on these services for everyday transactions,” aniya sa isang press briefing.

Hinimok ng senador ang GCash at ang parent company nitong Mynt na makipagtulungan sa mga regulator at law enforcement upang agarang matugunan ang mga insidente.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng transparency sa pag-imbestiga sa sanhi ng mga pagbabawas.

Habang wala pang tiyak na petsa para sa pagdinig, nanawagan si Hontiveros na agad i-refer ang isyu sa nararapat na komite ng Senado. Plano niyang ipatawag ang mga kinatawan ng GCash, Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at mga eksperto sa cybersecurity upang matiyak na masusing maimbestigahan ang usapin.

“The affected users deserve answers and reassurance. We need to hold fintech companies accountable for securing their platforms and safeguarding their customers’ trust,” dagdag niya.

Nagdulot ng malawakang pagkadismaya ang glitches sa mga gumagamit, marami sa kanila ang umaasa sa GCash para sa remittance, pagbabayad ng bills, at online shopping. Binaha ng mga reklamo ang social media, at ilan sa mga gumagamit ay nagpahayag ng takot na gumamit ng digital wallets hangga’t hindi nalulutas ang problema.

Binigyang-diin ni Hontiveros ang pangangailangang tugunan ang isyung ito upang maibalik ang kumpiyansa ng publiko sa digital finance.

“We cannot afford to have a financial platform that is unreliable, especially when it serves as a lifeline for many Filipinos,” aniya.

Hinimok din ng senador ang BSP na palakasin ang pagbabantay nito sa mga fintech companies upang matiyak ang mas mahigpit na pagsunod sa mga cybersecurity protocol.

Nanawagan siya sa mga mambabatas na repasuhin ang mga kaugnay na regulasyon upang makaagapay sa mabilis na paglago ng digital financial services.

“This incident highlights the vulnerabilities in our current system. It’s time to ensure that our laws and regulations adequately address these risks,” sabi ni Hontiveros.

Nagbabala ang mga eksperto na maaaring magdulot ng masamang epekto sa fintech industry ang insidenteng ito, na nagkakaroon ng mabilis na paglago sa nakalipas na mga taon. Puwedeng anilang mabawasan ang tiwala ng publiko sa digital wallets at iba pang solusyon sa fintech, na maaaring magpabagal sa pag-adopt ng teknolohiya sa bansa na naglalayong mapabilis ang financial inclusion.

Inaasahang magdaraos ng pagdinig ang Senado sa lalong madaling panahon upang maresolba ang isyu at matiyak na mababayaran ang mga nawala sa GCash users.

Hinimok din ni Hontiveros ang GCash na paigtingin ang kanilang customer service upang mas mabilis na matugunan ang mga apektadong user.

“The goal is to ensure accountability, improve security measures, and protect Filipino consumers from future incidents,” pagtatapos niya.