Quiboloy

Risa hinamon si DU30 na tumulong hanapin si PACQ

June 11, 2024 PS Jun M. Sarmiento 138 views

HINAMON ni Sen. Risa Hontiveros si dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumulong sa paghahanap sa nagtatagong si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ at huwag pagtakpan ang pastor.

Ayon kay Hontiveros, bilang dating pangulo, napakahalagang ipakita ni Duterte ang respeto sa batas matapos mag isyu ng warrant of arrest ang korte laban kay Quiboloy.

“Huwag na sanang pagtakpan pa ni Duterte ang kanyang kaibigan na si Quiboloy. Tumulong na lang siya sa paghahanap para matunton kung nasaan ang kaibigan niya,” ani Hontiveros.

Si Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, ang nag-iimbestiga kay Quiboloy sa ibat ibang akusasyon kasama na ang rape, human trafficking, pang aabuso at marami pang iba.

Naniniwala ang senadora sa kakayahan ng buong kapulisan na matutunton si Quiboloy at tuluyang matitiklo.

Nanawagan din siya sa pulisya na huwag pabayaan na makapang impluwensiya sina Quiboloy at ang kanyang mga kaalyado partikular na si dating Pangulong Duterte sa pagpapatupad ng kanilang sinumpaang tungkulin sa bayan.

Nahaharap sa mga kasong child abuse, sexual abuse at human trafficking si Quiboloy na naisampa sa Pasig City Court at Davao City.

Gayunman, pinaalalahanan din ni Hontiveros si Quiboloy sa kanyang mga salitang binitawan na handa siyang humarap sa tamang korte at ngayon na nasa poder na ng korte ang kanyang kaso dapat lang ipakita nito na haharapin niya ang kanyang mga pananagutan.

“Sumuko ka na at harapin mo ang mga kaso at mga akusasyon laban sayo. Huwag ka ng makipagtaguan pa. Wala na dapat pagtatago,” ani Hontiveros kay Quiboloy.

Samantala, sinabi ni Senate President Francis Chiz Escudero na nakahanda ang Senado kay Pastor Quiboloy sakaling madakip na ito at buksan muli ang pagdinig ng komite ni HOntiveros tungkol sa pastor ng KOJC.