
RISA DISMAYA KAY MIGZ
Sa di pagpirma sa subpoena vs Quiboloy
NAGPAHAYAG ng kanyang pagkadismaya si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa hindi kaagad pagpirma ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa subpoena na ipinalabas ng kanyang komite laban sa televangelist na si Pastor Apollo Quiboloy.
Iginiit ni Hontiveros na “ministerial duty” lamang ang pagpirma ni Zubiri sa subpoena kaya hindi ito dapat na nagtatagal.
Sumulat na rin umano si Hontiveros kay Zubiri upang tawagin ang pansin nito sa delay sa pagpirma sa subpoena laban kay Quiboloy, na kilalang malapit na kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
“So, gaya ng nabanggit ko ay mayroon talagang subpoena ang komite at ni-request ko, at nire-request iyon, usually ministerial lamang ang pirma ng Senate President,” ani Hontiveros sa isang press conference.
“Kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa napirmahan iyon, hindi ko maipaliwanag iyon. Mas maigi kung kay Senate President ninyo na lang itanong,” dagdag pa ng senadora.
Sa ipinadalang sulat kay Zubiri, iginiit ni Hontiveros na binalewala ni Quiboloy ang imbestigasyon ng Senado noong Enero 23 at hindi dumalo kahit na pinadalhan ito ng imbitasyon ng komite.
Iniimbestigahan ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality ang umano’y mga pang-aabuso ni Quiboloy at ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa mga miyembro nito.
Iginiit ni Hontiveros ang kahalagahan na mapaharap si Quiboloy sa pagdinig upang masagot nito ang mga katanungan kaugnay ng mga alegasyon ng human trafficking, rape, at sexual at physical abuse na nagaganap umano sa KOJC.
Hindi umano nilagdaan ni Zubiri ang subpoena sa kabila ng mga follow-up na ginawa para rito.
Nauna ng humarap sa pagdinig ng komite ang ilang kababaihan, kabilang ang dalawang Ukrainian na nakaranas umano ng pang-aabuso.
Sinabi naman ng kampo ni Quiboloy na politically motivated ang imbestigasyon at nais lamang na siraan ang pastor at ang KOJC. Dapat umano ay magsampa ng kaso sa korte.