Default Thumbnail

Rider tumumba, nasagasaan, dedo

January 30, 2023 Melnie Ragasa-limena 317 views

NASAWI ang isang rider nang masalpok niya ang lady guard na umaasiste sa isang sasakyan na umaatras dahilan upang matumba ang minamaneho niyang motorsiklo pero minalas na masagasan nang paparating na truck sa Quezon City, Linggo ng hapon.

Dead on the spot ang rider na si Paul P. Talla, nasa hustong gulang, at residente ng Saint Joseph St., Brgy. Holy Spirit Quezon City, habang sugatan naman ang nasalpok niyang lady guard na si Renalyn Cordovez Quintero, nakatira sa Barrio Sto, Cristo Tala Caloocan City.

Agad nadakip ang suspek na si Rodney Sarabia Diangzon, 35, may asawa, driver, at naninirahan sa Sitio Dilain, Brgy. San Juan, Cainta Rizal.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD), Traffic Sector 6, bandang 5:20 ng hapon (January 29), nang maganap ang aksidente sa Congressional Ave., malapit sa kanto ng Visayas Ave., Brgy. Bahay Toro,, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Romeo A. Birog Jr., ng Traffic Sector 6, kapwa binabaybay nina Talla na sakay ng motorsiklo na may plakang 6074-NA at ng suspek na lulan naman ng Isuzu Dropside Truck na may plate number na DAL-1046 ang kahabaan ng Congressional Avenue galing sa Mindanao Avenue at patungong Visayas.

Pagdating sa nasabing lugar ay nasalpok ng rider ang lady guard na noon ay nag-aasiste ng isang sasakyan na umaatras.

Dahil sa pagkabigla ay natumba ang minamanehong motor ni Talla at eksakto namang paparating ang minamanehing truck ng suspek dahilan upang masagasaan ang rider na agad nitong ikinamatay.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.