Rider sumalpok sa truck, patay!

July 11, 2021 Edd Reyes 211 views

PATAY ang isang rider nang sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa isang trailer truck Linggo ng madaling araw sa Caloocan City.

Hindi na umabot ng buhay sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si Amhangel Yaris, 33, naninirahan sa 41 Samat St., Santo Domingo, Quezon City, sanhi ng mga tinamong grabeng pinsala sa ulo at katawan.

Sa ulat na isinumite ni traffic investigator P/Cpl. Dino Supolmo kay Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina, mabilis na tinatahak ng biktima, sakay ng kanyang Yamaha Aerox motorcycle, ang kahabaan ng 10th Avenue patungo sa gawi ng A. Bonifacio dakong alas-2:45 ng madaling araw habang tumatahak naman sa 5th Street ang trailer truck galing ng C-5 Road patungong EDSA.

Pagsapit sa kanto ng 10th Avenue at 5th Street, sumalpok ang biktima sa kaliwang bahagi ng trailer truck na naging dahilan upang tumilapon sa sinasakyang motorsiklo at lumagapak sa sementadong lansangan.

Sa halip namang huminto para tulungan ang biktima, mabilis na pinaharurot ng driver ng trailer truck ang minamanehong sasakyan patungong EDSA hanggang sa tuluyang maglaho sa paningin ng ilang mga nakasaksi.

Iniutos na ni Col. Mina ang pagsusuri sa mga nakakabit na close circuit television (CCTV) camera sa lugar na posibleng nakahagip sa insidente upang matukoy ang plate number ng sasakyang nakasalpukan ng nasawing biktima.

AUTHOR PROFILE