Rider, pedestrian patay sa aksidente

November 1, 2021 Edd Reyes 71 views

DALAWA ang nasawi, kabilang ang rider at ang nahagip niyang pedestrian, habang sugatan naman ang angkas ng motorsiklo sa aksidenteng nangyari, araw ng Linggo sa Taguig City.

Nasawi kaagad sanhi ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang pedestrian na si Novem Caño Abelong, 31 ng Plaridel, Bulacan at ang driver ng motorsiklo na si Richard Villan, 39 ng Block 34, Lot 6 Damayan, Taytay Rizal habang sugatan naman ang live-in partner na kanyang ka-angkas na si Alma Alvaro na nagtamo ng mga gasgas sa mukha, kamay at braso.

Sa naantalang ulat na natanggap ng Taguig Police Station Traffic Enforcement Unit, dakong alas-8:30 ng umaga nang mangyari ang aksidente sa southbound lane ng Commando Bridge, C-5 Road, Barangay Pinagsama.

Lumabas sa imbestigasyon ni P/SMSgt. Luthgarda Osea na habang mabilis na tinatahak ng motorsiklong may plakang ND-71958 na minamaneho ni Villan ang nasabing lugar, nahagip niya ang biktimang si Abelong na nagurong-sulong sa pagtawid matapos mag-alangan sa bilis ng dating ng motorsiklo.

Nakaladkad pa ng hanggang 20-metro si Abelong habang tumilapon naman sa kanilang motorsiklo ang maglive-in partner kung saan grabeng napinsala ang ulo at katawan ni Villan.

Hindi na nadala ng mga nagrespondeng tauhan ng Barangay Ususan Rescue Team na pinangunahan ni Edgardo Dela Cruz ang dalawang nasawi matapos maideklarang wala ng buhay habang kaagad na nalapatan ng lunas si Albaro.

AUTHOR PROFILE