Rider nahulog sa flyover, nasagasaan ng closed van

May 1, 2022 Edd Reyes 217 views

PATULOY ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang closed van na umano’y nakasagi sa rider na nahulog mula sa Kalayaan flyover noong Sabado ng madaling araw sa Makati City.

Namatay kaagad ang biktimang janitor na si Leonardo Iguis, 33, nakatira sa 129-C 12thAvenue, Brgy. East Rembo makaraang bumagsak at umano’y masagi pa ng humahagibis na closed van sa northbound lane ng EDSA sa kanto ng Kalayaan Avenue dakong 3:58 a.m. makaraang mahulog mula sa flyover.

Lumabas sa imbestigasyon ni P/CMSgt. Jupiter Palmares ng Vehicular and Traffic Investigation Unit ng Makati police na mabilis na tinatahak ng biktima, sakay ng kanyang motorsiklo, ang westbound lane ng Kalayaan flyover mula Yabut St. patungong Paseo De Roxas nang mawalan ng kontrol at mabangga ang pakurbadang bahagi ng konkretong harang ng tulay na naging dahilan ng kanyang pagtilapon mula sa minamanehong motorsiklo.

Sa lakas ng pagtilapon, humampas pa ang katawan ng biktima sa plant box sa gilid ng flyover bago tuluyang nahulog at bumagsak sa lansangan ng EDSA kung saan nahagip pa umano ng isang rumaragasang van.

Kinakalap pa ng mga traffic investigators ang kuha ng CCTV camera sa naturang lugar upang alamin kung bukod sa closed van ay may iba pang sasakyan na nakasagi sa katawan ng nahulog na biktima.

AUTHOR PROFILE