Default Thumbnail

Rider na walang helmet timbog sa 2 kilong MJ

June 12, 2022 Edd Reyes 319 views

TINATAYANG dalawang kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nakumpiska sa isang rider sa isinagawang “Oplan Sita” ng pulisya Sabado ng madaling araw sa Caloocan City.

Tinangka pang tumakas ng suspek na si Chester Fortades, 30 ng Barangay Baesa, subalit kaagad din siyang na-korner ng pulisya matapos ang maikling habulan dakong alas-12:35 ng madaling araw sa kahabaan ng North Diversion Road (NDR), Barangay 151, sa naturan din lungsod.

Sa ulat ni Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ulysses Cruz, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Sub-Station 5 sa naturang lugar nang mamataan nila ang suspek na nagmamaneho ng itim na Yamaha Mio motorcycle na walang suot na helmet.

Nang parahin ng mga pulis ang suspek, sinubukan nitong tumakas subalit kaagad ding nasakote makaraan ang maikling habulan.

Nang suriin ang compartment ng kanyang motorsiklo, tumambad sa mga pulis ang dalawang piraso ng transparent plastic sealed bricks na pinaniniwalaang pinatuyong dahon ng marijuana na nakabalot ng tela sa loob ng isang paper bag na tinatayang nagkakahalaga ng P240, 000.00.

Sa halip na simpleng paglabag lamang sa batas trapiko dahil sa hindi pagsusuot ng helmet, kalaboso at nahaharap pa sa mabigat na kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang rider.

AUTHOR PROFILE