Posas

Rider na nanapak ng 2 enforcers arestado

November 30, 2023 Melnie Ragasa-limena 274 views

ARESTADO ang motorcycle rider na nanapak ng dalawang traffic enforcers sa Quezon City noong Miyerkules.

Nahaharap ang suspek na si James Vincent Ortega, 21, sa mga reklamong direct assault and resistance and disobedience upon agents of persons in authority sa Quezon City Prosecutor’s Office dahil sa pananakit.

Ayon kay Brig. Gen. Redrico Maranan, hepe ng Quezon City Police District (QCPD), nahuli si Ortega sa loob ng three-minute police response time policy.

Ayon sa report, inakusahan si Ortega ng pananakit sa mga traffic enforcer na sina Jojo Amador at Aaron Canlas sa General Luis St. sa Brgy. Novaliches Proper pasado alas-9:00 ng umaga.

Nasita ni Amador si Ortega, na may angkas umanong babae, dahil sa pagmamaneho ng walang safety helmet.

Sa viral video nakita ang pag atake ni Ortega sa sumita sa kaniya. Sinuntok din umano niya si Canlas na dumating sa pinangyarihan sakay ng isang motorsiklo.

Tatlong operatiba ng Novaliches police station 4 ang rumesponde at agad na dinampot si Ortega. Pinaalalahanan ni Maranan ang mga motorista na sumunod sa traffic rules and regulations.

“Makipag cooperate po tayo sa mga nagpapatupad ng batas para makatulong sa pag maintain ng peace and order sa lungsod Quezon,” ayon kay Maranan.

Sa panayam, sinabi ni Ortega na gumanti lamang siya pagkatapos siyang saktan ng mga traffic enforcer.

“Sila ang unang nanakit sa akin inuntog ulo ko,” ayon kay Ortega.