Rider Nilalapatan ng paunang lunas ng mga kagawad ng MDRRMO ang rider na lolo na naaksidente sa Lagusnilad subalit pumanaw rin matapos masagi at magulungan ng armored van. Kuha ni Jon-jon Reyes

Rider na lolo dedo sa armored van sa Lagusnilad

November 25, 2022 Jonjon Reyes 205 views

NAMATAY din habang inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang isang 64-anyos na lolong rider matapos na sagian ng isang armored van ang sinasakyan nitong motorsiklo sa southbound lane ng Padre Burgos Street, Lagusnilad underpass sa Ermita, Maynila, Huwebes ng hapon.

Batay sa ulat ni Police Corporal John Patrick Ted Mañaol, na isinumite kay Police Major Anthony Olgado, hepe ng Manila District Enforcement Unit (MDEU), binawian nang buhay ang biktima pasado alas 9:03 p.m. (Nob. 24) na residente ng Sampaloc, Maynila.

Samantala, nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at damage to property ang driver ng armored van, na nakatira sa North Signal, Taguig City.

Ayon sa imbestigasyon ni Mañaol, bandang 4:55 ng hapon, nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng Lagusnilad underpass sa harap ng Manila City Hall sa Ermita.

Lumitaw sa imbestigasyon na kapwa binabagtas ng dalawa ang kahabaan ng Padre Burgos St. patungong Taft Avenue, nang masagi umano ng kanang tagiliran ng armored van ang kaliwang bahagi ng Yamaha Mio na minamaneho ng matandang biktima hanggang sa tuluyang magbanggaan ang dalawang sasakyan.

Bumagsak sa sira-sirang kalsada ang rider na lolo hanggang sa magulungan pa ito ng armored van.

Mabilis namang rumesponde ang mga kagawad ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at isinugod ang biktima sa JRMMC, subalit ilang oras lang ang lumilipas ng ideklara itong patay ng attending physician.

Ayon sa ilang mga motorista, matagal na umanong inirereklamo ang ilalim ng Lagusnilad dahil bukod sa lubak-lubak na kalsada ay palagi pa itong basa at ilang aksidente na rin ang naitala sa nasabing daanan.

AUTHOR PROFILE