Posas

Rider kulang sa helmet, sobra sa bala, arestado

February 13, 2024 Edd Reyes 157 views

PATUNG-PATONG na kaso ang hinaharap ng rider na tinangkang takasan ang mga pulis na nakabuking sa kanya na may dala siyang halo-halong bala bukod sa hindi pagsusuot ng helmet sa Caloocan City.

Nang kapkapan, nakuha kay alyas Bim ang 50 bala ng kalibre .45 at anim na bala ng kalibre .9mm pistol sa kanyang bulsa.

Bukod sa paglabag sa RA 10054 o ang Motorcycle Helmet Act, sinampahan din ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta ng paglabag sa Art. 151 ng Revised Penal Code o ang Resistance and Disobedience at Sec. 28 ng R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms ang Ammunitions Regulation Act ang rider na si alyas Bim sa Caloocan City Prosecutor’s Office.

Nagsasagawa ng Oplan Sita sa Malolos Avenue, Brgy. 146 ang mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station 5 dakong alas-10:00 ng umaga nang parahin si Bim dahil walang helmet sa pagmo-motor.

Sa halip na huminto, biglang pinaharurot ng suspek ang motorsiklo kaya muntik pang makaladkad ang pulis na nakahawak sa handlebar ng kanyang motor.

Naharang ang suspek hanggang sa madakip.

AUTHOR PROFILE