Default Thumbnail

Rider hinataw ng tubo sa mukha ng bus driver, sugatan

October 11, 2021 Melnie Ragasa-limena 336 views

SUGATAN ang 23-anyos na rider makaraang harangin ang sinasakyan niyang motorsiklo ng bus driver at hinataw ng tubo sa mukha sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.

Ang biktima ay nakilalang si Omar Patasaha, 23, binata, at naninirahan sa 52 Durian St., Luzon Ave. Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.

Agad namanng naaresto ang suspek na si Andy Nicolas, 40, walang asawa, tubong Bicol at residente ng B1A Gumaoc East San Jose Del Monte Bulacan, ng mga tanod na sina Ricky B. Castillo at Paps M. Ali ng Brgy. Commonwealth.

Sa report ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-9:30 ng gabi (October 1o), nang maganap ang insidente sa Commonwealth Avenue corner Don Fabian St., Brgy. Commonwealth, QC.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl PCpl Anthony Lubos, sakay umano ng motorsiklo ang biktima nang harangan ng bus na minamaneho ng suspek.

Dahil dito ay huminto si Patasaha at nakita niya na galit na bumaba ang suspek na armado ng tubo at agad na hinataw sa mukha ang biktima dahilan upang mawalan ito ng malay.

Agad namang tinulungan ng mga tanod ang biktima saka inaresto ang suspek.

Hinala ng mga awtoridad, posibleng nagkagitgitan ang sasakyan ng biktima at ng suspek kaya hinabol ng bus driver at nang maabutan sa lugar ay hinarang at tinubo sa mukha ang rider.