Default Thumbnail

Rider dedo sa SUV

May 30, 2022 Jonjon Reyes 262 views

POSIBLENG nakatulog habang nagmamaneho ng motorsiklo ang isang rider nang masagi nito ang isang Sports Utility Vehicle (SUV) sa panulukan ng Old Sta. Mesa St., Maynila, madaling araw nitong Lunes.

Dead on the spot ang biktimang si Kevin Daganan, nasa hustong gulang, ng Purok 2 Upper Bicutan, Taguig matapos humampas pa sa kanang gulong nang nakahintong dump truck sa eastbound lane ng Ramon Magsaysay Boulevard sa nasabing lugar.

Si Daganan ay nagtamo ng matinding pinsala sa ulo.

Base sa ulat ni P/Cpl. Walter Riñopa, ng MDTEU-Vehicle Traffic Investigation Section, naganap ang insidente ng bandang 1:30 ng madaling araw sa naturang lugar.

Binabaybay ng biktima at driver ng Hyundai Sta Fe SUV ang lugar at pagsapit sa panulukan ng Ramon Magsaysay Boulevard at Old Sta. Mesa St. ay nagkasagian ang dalawang sasakyan.

Sa lakas ng impact, tumagilid ang yamaha NMax motorcycle na minamaneho ng biktima at tumama sa bandang likurang gulong ng dump truck na noon ay nakahinto at saka bumagsak sa sementadong kalsada na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Nagtamo naman ng pinsala ang lahat ng sasakyang sangkot sa insidente at nahaharap sa kasong homicide with damage to property ang tsuper ng SUV.

AUTHOR PROFILE