Default Thumbnail

Rider binaunan ng bala, ninakaw motorsiklo sa Nova

May 16, 2023 Melnie Ragasa-limena 206 views

PINAGBABARIL hanggang sa mamatay ang isang lalaking rider ng motorsiklo sa Novaliches, Quezon City nitong Martes ng madaling araw.

Ayon sa pulisya, ninakaw pa umano ng tatlong suspek ang motorsiklo ng 26-anyos na biktima.

Nangyari ang insidente bandang alas-2 ng madaling araw habang binabagtas ng biktimang rider ng motor ang kahabaan ng Quirino Avenue.

Bigla na lang umanong sumulpot ang tatlong suspek sakay rin ng isang motorsiklo.

Isa sa mga suspek ang bumaril sa ulo biktima na agad nitong ikinamatay.

Narekober ng mga pulis ang dalawang basyo ng bala sa crime scene at tinangay rin ng mga suspek diumano ang motor ng biktima at pinalitan ng ibang motor.

Inaalam ng pulisya kung nahagip ng CCTV ang mga mukha ng mga salarin.

Patuloy na inaalam ng Quezon City Police District ang posibleng motibo ng mga suspek sa krimen.