Default Thumbnail

Rider at ka-angkas ng walang suot na helmet, kulong sa droga at baril

December 6, 2022 Edd Reyes 266 views

NABAON sa asunto ang dalawang kabataang lalaki na sakay ng isang motorsiklo matapos silang makuhanan ng baril at pinatuyong dahon ng marijuana nang masita ng mga pulis Lunes ng gabi sa Makati City.

Kasong paglabag lang sana sa Motorcycle Helmet Act of 2009, driving without license at reckless driving ang kakaharapin ni Patrick Garcia, 21, subalit bumigat ang kanilang asunto ng kanyang ka-angkas na si Michael Perez, 19, nang makumpiska sa kanila ang isang kalibre .38 revolver na may kargang dalawang bala at plastic sachet na may lamang pinatuyong dahoon ng marijuana.

Sa ulat na ipinarating ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Kirby John Kraft kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/BGen. Jonnel Estomo, nagsasagawa ng anti-criminality patrol sa kahabaan ng South Super Highway ang mga tauhan ng Makati Police kaugnay sa programang S.A.F.E. NCRPO dakong alas-7:50 ng gabi nang mamataan nila ang mga suspek na mabilis at walang ingat sa pagmamaneho ng motorsiklo ng walang suot na helmet.

Hinabol ng mga tauhan ng mga pulis ang dalawa hanggang ma-korner sa may Brgy. Pio Del Pilar sa South Super Highway.

Nang hanapan ng lisensiya, walang maipakita si Garcia at nang mapansin na kapuwa hindi mapakali ang kilos, dito na sila kinapkapan ng pulisya kung saan nakumpiska sa kanila ang baril at marijuana na tinatayang tumitimbang ng 60 gramo na nagkakahalaga ng P7,200.00.

Pinapurihan naman ni BGen. Estomo ang mga tauhan ng Makati police sa isinagawang anti-criminality patrol na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek habang karagdagang kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act at R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act ang isasampa laban sa kanilasa piskalya ng Makati City.

AUTHOR PROFILE