Anabelle

Richard, na-miss ang birthday party ni Annabelle

October 27, 2022 Ian F. Fariñas 785 views

Anabelle1Ruffa

NA-MISS ni Richard Gutierrez ang glamorosang selebrasyon ng 70th birthday ng mommy niyang si Annabelle Rama na ginanap sa main dining ng Manila House sa BGC nitong Miyerkules dahil sa taping ng upcoming action-drama series na The Iron Heart sa Cebu.

Gustuhin mang dumalo ni Chard, hindi ito naging posible dahil sa aberyang idinulot ng pag-o-overrun ng eroplano ng Korean Air sa Mactan airport kamakailan.

Baka nga naman may kung ano pang mangyari, hindi siya makabalik sa taping at mabitin ang buong produksyon. Sa November 14 na kasi ipapalabas ang nasabing Kapamilya series.

Anyway, advance ang party dahil sa October 31 pa ang actual birthday ni Tita Annabelle.

Maliban kay Chard, kumpleto naman ang mga mahal niya sa buhay sa milestone celebration na inayusan ng kilalang event designer na si Gideon Hermosa.

Naroon siyempre ang mister niyang si Tito Eddie Gutierrez, mga anak na sina Ruffa, Raymond, Elvis, Rocky, mga apo at mga manugang na sina Alexa at Sarah Lahbati.

Dumalo rin sina Tonton Gutierrez (na maagang umalis dahil may taping) at Ramon Christopher.

Mga bigatin ang guest celebrities tulad ng nasa “couple’s table” na sina Aga Muhlach at Charlene Gonzales, Cong. Richard Gomez at Mayor Lucy Torres-Gomez, Cesar Montano at non-showbiz girlfriend na si Kath Angeles.

Sa “couple’s table” rin magkatabing umupo ang matagal nang nali-link sa isa’t isa na sina Ruffa at dating Quezon City Mayor Herbert Bautista.

Pero iwas na iwas ni Herbert sa pang-uurirat ng press tungkol sa status ng relasyon nila ni Ruffa.

Sa kanyang speech, pinasalamatan ni Tita Annabelle ang lahat ng dumalo. Wala nga raw intriga nu’ng gabing iyon dahil happy siya sa pagsasama ng lahat matapos ang ilang panahon na hindi pagkikita dahil sa pandemya.

“Don’t worry, Ruffa, alam ko pinupuri mo ‘ko para ‘di kita sisiraan sa maraming tao. Wala na akong masisira sa ‘yo, ‘Day, kasi nagbago ka na ngayon, ‘no. About your boyfriend, okay lang kung sino ang gusto mo,” pabirong tirada ni Tita Annabelle sa kanyang speech.

Nang sitahin ni Ruffa ng, “Ma!” sinagot siya ni Tita Annabelle ng, “Wala akong sasabihin, Ruffa, ano ba!?

Nagpapasalamat ako sa mga pumunta ngayong gabi, alam ko mahal niyo ako. Mayaman ako sa mga kaibigan.”

At inisa-isa na nga ng may birthday ang mga bisitang sina Chavit Singson, Aga, Charlene, Goma, Lucy, Cesar, James Yap, Ciara Sotto, Ian Veneracion at marami pang iba.

Pagbanggit sa pangalan ni Herbert, napa-‘hello!’ si Tita Annabelle kaya kantyawan ang guests.

Kabilang sa mga nag-perform sina Vina Morales, Angeline Quinto, Regine Tolentino, Sarah Lahbati (La Vie En Rose) at ang apo ni Tita Annabelle na si Venice na kumanta ng Queen classic na Bohemian Rhapsody.

“Venice, pwede ka nang kumanta sa ASAP, ako’ng manager mo,” reaksyon ni Tita Annabelle sa performance ng bunso ni Ruffa.

Ang dating alaga naman niyang si Nicole Anderson ang tumayong host ng napakasayang party.

Ang birthday wish ni Tita Annabelle, umabot siya hanggang 90 years old “kasi ang asawa ko, 80. Dapat hanggang 90 ako.”

Kaya sabi ni Ruffa, “Dad will be 100.”

“Yes, nakita mo naman ang pogi-pogi, ‘no,” giit ni Tita Annabelle, na ang makulay at seksing birthday outfit na may mahahabang slit sa magkabilang gilid (kaya exposed ang kanyang flawless legs) ay courtesy ni Regine.

Regalo naman daw ng isang kaibigan ang ternong glittery Prada headband at bag niya.

Pero ang world boxing champ pa rin daw na si Manny Pacquiao ang nagbigay ng pinakabonggang regalo kay Tita Annabelle.

AUTHOR PROFILE