Rice price manipulation case noong administrasyon ni Duterte hindi pa rin nareresolba — Salceda
HINDI pa rin nareresolba ang “pinakamalaking agricultural price manipulation case” na kinasasangkutan ng anomalya sa pag-angkat ng bigas noong administrasyong Duterte kung saan bilyon-bilyong piso ang nawala sa mga Filipino consumer, ayon kay Murang Pagkain Super Committee chairperson at Albay Rep. Joey Salceda.
Sa committee hearing noong Martes, binigyang-diin ni Salceda ang pangangailangan para sa accountability, tinukoy ang mga kabiguan na nagpahintulot sa mga kartel na magsamantala sa suplay ng pagkain sa bansa.
“The biggest case of price manipulation in the agricultural sector remains to be the cornering of import permits in 2016-2018,” ayon kay Salceda.
Pinuna ng kongresista kung paano kinontrol ng pribadong sektor ang rice importation at ang pagmanipula sa import permits sa naturang pahahon na nagresulta sa malaking pagtaas sa presyo ng bigas noong 2018, kung saan ang mga consumer ay nagbayad ng karagdagan na hanggang P8 kada kilo.
Sa pagtaya ni Salceda, ang kabuuang nawala sa ekonomiya ng bansa ay nasa P88.6 billion, at sinabing humupa lamang ang isyu makaraang ipawalang-bisa ng Rice Tariffication Law noong 2019 ang permit system na ipinagkakaloob ng National Food Authority (NFA).
Nanatili aniyang hindi malinaw kung anong private sector entities ang binigyan ng rice importation permits ng NFA sa loob ng dalawang taon.
Ayon pa kay Salceda, sinamantala rin ng mga kartel ang diversion ng NFA sa palay procurement funds mula sa pagsuporta sa mga magsasaka sa pagbabayad ng mga utang.
“No one has gone to jail for allegations of bribery in obtaining import permits, or for the NFA’s failure to undercut cartels by diverting palay procurement funds to loan payments,” paliwanag pa ng kongresista.
“What happened to the charges that then Presidential Spokesperson Harry Roque said the government was going to file in September 2018?” pagtatanong niya.
Kaugnay nito ay hiniling ni Salceda sa Committee Secretariat na magpadala ng liham sa Department of Justice (DOJ) at sa Office of the Ombudsman upang malaman kung may mga kaso nang naisampa laban sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa Duterte-era rice price manipulation scandal.
Hiniling din niya na kumpirmahin sa DOJ kung nagkaroon ng formal investigation kay dating NFA Administrator Jason Aquino.
Inatasan din ng House panel chair ang committee secretariat na humingi sa NFA ng listahan ng mga indibidwal at korporasyon na binigyan ng rice import permits mula 2016 hanggang 2018, at sa Bureau of Customs ng detailed record ng lahat ng rice import arrivals sa parehong panahon.