Barda1

Rhen paandar ang maaaksyong eksena sa ‘Karma’

June 21, 2024 Ian F. Fariñas 144 views

NAHIRAPAN mang mag-training para sa action scenes niya sa Karma ng Viva Films at Happy Infinite Productions Inc., desidido pa rin si Rhen Escaño na ituluy-tuloy ang paggawa ng action movies.

Sa red carpet premiere ng pelikula sa SM North EDSA kamakailan, iginiit ng aktres na, “Yes, uulit pa akong gumawa ng action, 100 percent yes. ‘Yun ang hinahanap ng katawan ko, ng dugo ko, ‘yung nahihirapan ako, ‘yung matsa-challenge talaga ako. The more the nahihirapan ako, iniiyakan ko siya, may natututunan ako, ‘yun ang mga gusto kong gawin.”

Base sa reaksyon ng mga nanood, mala-Hollywood level ang datingan ng Karma na dinirek ni Albert Langitan.

Kakaibang Rhen nga ang mapapanood dahil umaatikabong aksyon ang ginawa niya bilang si Angel, isang assassin na puno ng poot at pangungulila.

Lumaki si Angel na gustong ipagtanggol ang mga inaabuso, hanggang sa dumating sa punto na aksidente siyang nakapatay ng lalaking nagnakaw sa isang mag-ama.

Kwento ni Rhen, “Totally different image kaya nga nagulat ako nang i-offer ito sa akin. At agad nilinaw sa akin ni direk na walang sexy akong gagawin.

“So far, wala na tayong mapapanood na ganito kalaki. Ang laki ng budget, ang laki ng production, ang laki ng ginawa nila. Makikita naman nila sa shots, location and malaki talaga siya,” pagmamalaki pa niya.

Katambal ni Rhen sa Karma si Sid Lucero, na gumaganap naman sa papel ni Iskolar o Rommel. Tulad ni Angel, hitman siya sa organisasyon ni Chief (Roi). Mapapasubo siya sa madugong labanan sa isang gang.

Magkapatid ang turingan nina Rommel at Angel. Pareho silang magaling sa kanilang trabaho kahit hindi talaga gusto ni Rommel ang pumatay.

Naging magaan daw ang pagsasama nila sa Karma dahil bukod dito ay nagkatrabaho na rin sila sa teleseryeng Lumuhod Ka sa Lupa ng TV5 na hango sa obra ng yumaong si Carlo J. Caparas.

Anyway, maliban kay Sid, ang iba pang nasa cast ay sina Krista Miller, Leandro Baldemor at Mon Confiado. Showing pa rin ang Karma sa mga sinehan nationwide.

AUTHOR PROFILE