Rhen

Rhen, na-starstruck kay Yesha ng ‘Meteor Garden’

September 17, 2021 Ian F. Fariñas 62 views

SA September 30 pa inaasahang makauwi ni Rhen Escaño mula sa halos tatlong buwang shooting sa Singapore para sa international movie na Sunday ng MM2 Entertainment, kung saan katambal niya ang isang Vietnamese actor.

Kaya wala siya sa bansa ’pag ini-stream na sa Vivamax sa September 24 ang pelikula nila ni Jao Mapa na Paraluman na nasa ilalim ng direksyon ni Yam Laranas.

Kwento ng 24-year-old actress, sa September 27 ang last shooting day niya para sa Sunday, kaya half-way na sila sa mga eksena sa pelikula.

Nag-audition si Rhen para sa role ng isang Pinay domestic helper na nagtatrabaho sa Singapore.

Doon ay makikilala niya ang love interest na si Ho Thanh Trung.

“It’s a love story, kung paano masu-survive ng dalawang characters na ’yon. Nakatutuwa kasi mapo-portray mo ’yung mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa para sa mga pamilya nila. Nakatutuwa siyang gawin,” anang aktres.

Bukod kay Trung, kasama rin sa cast ng movie ang idolo ni Rhen na si Michelle Saram, gumanap sa papel ni Yesha sa K-drama na Meteor Garden.

“Exciting kasi lumaki ako na fan ng Meteor Garden. ’Yung isa sa cast nila, si Yesha, ka-work ko siya. Pati si Adrian Pang. Na-starstruck ako, hindi ko pa naa-absorb ang mga nangyayari. Kaya ginagawa ko talaga ang best ko kasi sayang naman. Nag-audition ako for this, 2020 pa. Akala ko wala na, baka iba ang nakuha, kaya pala tumagal kasi nagka-pandemic. Lahat sila halos

Singaporean. Ipapalabas din ito sa Philippines. Balak din sanang makapasok sa iba’t ibang filmfests. Goal din ng movie na magka-theatrical release. Sobrang maipagmamalaki ko po talaga ’to,” kwento pa ni Rhen.

As for Paraluman, kung saan ginagampanan nila ni Jao ang papel nina Mia at Peter na magkaka-inlaban kahit malayo ang agwat ng edad, sinabi ng aktres na hindi siya nahirapang gawin ang mga sensitibong eksena.

“Siyempre, noong binasa ko po ’yung script, aware po akong may mga gagawin kaming sensitive scene, so ayon po talaga ’yung pinag-usapan namin ni Direk Yam. Importante po kasi na ma-pull-off ’yung mga sensitive na eksena.

“Happy po ako and maswerte po ako na si Direk Yam po talaga ang gumawa nu’n na sobrang bilis. One take lang po talaga ’yung mga love scene na mapapanood niyo, so ’yon talaga ang dapat abangan kung paano namin nagawa na one take lang.

“Siyempre, hindi naman po nawawala ’yung kaba lagi ’pag may mga ganu’ng eksena. Pero I really have to trust my director, my co-actor. Makikita niyo naman po sa mismong love scene kung may ilang factor ba,” pahayag ni Rhen.

AUTHOR PROFILE