Rewards and recognition sa matitino at magagaling na pulis!

July 24, 2021 Marlon Purification 131 views

Marlon PurificationGUSTO ko talaga ‘tong management style ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo ‘Guillor’ Eleazar.

Kung anong higpit niyang magdisiplina sa mga abusado at tiwaling pulis, ay siyang bilis naman niyang magbigay ng papuri at pagbibigay ng karangalan sa mga mabubuting alagad ng batas.

Noon pa ay sinasabi na ni Guillor na walang dapat ipag-alala ang mga pulis sa buong Pilipinas kung kaagad siyang nagpapalabas ng masinsinang imbestigasyon sa mga kontrobersiyal na insidenteng kinasasangkutan ng kanyang mga tauhan.

Ito aniya ang nararapat upang mailabas agad sa publiko kung talaga bang may ginagawang kasalanan o pagkakamali ang ating mga parak.

Kaakibat na sa sinumpaang tungkulin ng mga pulis ang pagbibigay ng katapatan sa tungkulin at Konstitusyon, kaya anumang responsilibad sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan, obligasyon din ng bawat awtoridad na sumunod sa itinatadhana ng batas.

‘Reward the good, punish the bad,” sabi pa ni Eleazar.

Kaya nga kamakailan ay mismong si Guillor pa ang kumilala sa kabayanihan ng pulis na si Cpl. April Teodoro ng NCRPO Tactical Operations Center nang madaanan ang isang siklistang bumagsak at sugatan. Hindi nagdalawang isip si Teodoro na tulungan ang siklista kaya agad nitong kinuha ang first ad kit at ginamot ang biktima.

Sina Patrolman Fulgencio, Patrolman Rioflorido, Patrolman Telewik na Duty Train Marshall ng 4th Mobile Force Compay ng NCRPO ay tumulong naman sa isang matandang babae na nakita nilang umaakyat sa LRT Line 1, Balintawak Station habang buhay-buhat ang kanyang bisikleta. Binuhat ng mga pulis ang bisikleta ng babae at mga pulis pa mismo ang naghanap ng bakanteng upuan sa tren para maayos na makapuwesto sa bagon, katabi ng kanyang bisikleta.

Sa Baybay City, Leyte, nag-donate ng sariling dugo sa isang babaing kapapanganak lamang ang police trainee na si Patrolman Raymar Casiano ng Baybay City Police Station sa Police Regional Office 6.

Sa probinsya ng Samar ay tinulungan ng First Nothern Samar Police Mobile Force Company ang United Riders of the Philippines 2019 para maipagtayo ng bahay ang dalawang homeless senior citizens na sina Lola Virginia Jarito at Lolo Dominador Jarito.

Sa Burgos, Ilocos Sur ay tumulong naman ang mga pulis sa pangunguna ni Police Lt. Col. Jason Nadarisay, force commander ng 1st ISPMFC sa Police Regional Police Office 1 sa pagtatayo ng water supply system para sa mga residente ng Bgy. Bessang. Bahagi ang proyektong ito sa Patubig na Pulis.

Sinabi ng masipag na PNP chief na ang tunay na pulis ay hindi namimili ng oras o lugar kung kalian, saan at paano siya makatutulong. “Ang ipinakita nilang (pagtulong sa kapwa) ay halimbawa na ang pulis na tapat sa kanyang sinumpaang tungkulin ay kailanman hindi magdadalawang isip tumulong sa kapwa sa abot ng kanilang kakayahan,” sabi pa ni Eleazar.

Inaayunan natin ang sinabing ito ni Eleazar, ngunit higit sa lahat, mas pinahanga tayo ni Guillor.

Patunay ito na ang ginagawa niyang paghihigpit ay para na rin sa kapakanan at integridad ng ating kapulisan.

Kaya kung istrikto man ang tingin sa kanya, isa siyang animo’y ulirang ama ng tahanan na nakahanda ring ipagmalaki, pasalamatan at papurihan ang mga tauhang tapat sa kanilang mga tungkulin.

Nasisiguro kong darami pa sa mga pulis natin ngayon ang mai-inspired na gumawa ng mabuti.