
Revilla ipupursige makatanggap ng pensiyon senior citizens
TINIYAK ni Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr na pagpupursigihan niyang trabahuhin ang panukalang batas na magpapalawig sa Universal Social Pension upang ang lahat ng mga senior citizen sa buong bansa ay makatanggap na buwanang pensiyon.
“Huwag kayong mag-alala, tatrabahuhin po natin yan, nag-usap na kami ni Senator Imee Marcos at gagawan natin ng paraan upang lahat ng mga senior citizen ay makatanggap ng pensiyon, regardless sa kanilang katayuan sa buhay,” pahayag ng senador bago simulan ang kanyang motorcade patungong, Pasay, Paranaque, hanggang sa Las Pinas Miyerkules ng hapon.
Sinabi ni Revilla na posibleng umabot sa halagang P45 bilyon ang kakailanganing pondo upang mabigyan lahat ng buwanang pensiyon ang mga senior citizen para na rin makatulong sa kanila ang gobyerno, lalu na’t karamihan aniya sa mga ito ay wala ng trabaho o nagretiro na. “Hindi man natin makuha yung buo na hinihingi ng mga senior, basta hahanapan natin ng paraan para makatulong tayo sa kanila,” pangako ng Senador.
Nauna rito’y pinasalamatan ni Revilla ang Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) sa unang pagbibigay ng P10,000 sa mga senior citizen na umabot sa edad na 80, 85 90, at 95 na nakapaloob sa inakda niyang batas sa ilalim ng Expanded Centenarians Act.
Ayon kay Revilla, sa Malacanang mismo isinagawa ang unang payout, kasabay ang pagkakaloob sa iba pang kuwalipikadong benepisyaryo sa iba’t-ibang rehiyon, kaya’t umabot aniya sa mahigit 2,000 lola at lolo ang nabiyayaan ng naipasa niyang batas.
Kasabay nito’y nanawagan din siya sa mga lola at lolo na umabot sa edad na 80, 85, 90, at 95 na magparehistro na sa Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) sa kani-kanilang lungsod at munisipalidad upang magabayan kung papaano nila makukuha ang kanilang P10,000 na benepisyo.