
Revilla, Beauty Gonzalez nagsagawa ng 2 araw na Pasasalamat Caravan
SINIMULAN nitong Sabado ng hapon nina Senator Ramon “Bong” Revilla at aktres na si Beauty Gonzalez ang dalawang araw na caravan bilang pasasalamat sa mga tumangkilik sa kanilang pelikulang “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis”.
Nagsimula ang “Pasasalamat Caravan” nina Sen. Revilla at Beauty Gonzalez sa SM San Lazaro pasado ala-1 ng hapon patungo sa mga lansangan sa Maynila, kasama ang mga crew o pangkat ng mga manggagawa sa pagbuo ng pelikula, mga fans, at taga-suporta ng Senador sa paglilibot sa mga lansangan sa Maynila hanggang Quezon City na nagtapos sa Robinson’s Magnolia sa Aurora Boulevard.
Ayon sa Senador, dalawang araw nilang isasagawa ang Pasasalamat Caravan na magtatapos ngayong araw ng Linggo, hindi lamang para sa pagpapahatid ng taos-pusong pasasalamat sa mga tumangkilik, kundi upang ipabatid na rin sa publiko na mapapanood muli ang kanilang pelikula sa telebisyon.
“Abangan po ninyo, mapapanood na sa telebisyon sa buong Pilipinas itong aming pelikula ni Beauty Gonzalez na Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis sa pamamagitan ng GMA Network,” pahayag ni Sen. Revilla.
Sa panig naman ni Beauty Gonzalez, sinabi niya na malaking karangalan ang makasama niya sa pelikula si Senator Revilla na aniya ay hindi lamang batiking artista kundi mahusay at magaling na mambabatas na nakapagpasa ng mahahalagang batas na pinakikinabangan na ng mamamayan, lalu na ng mga estudyante at senior citizen.
“Ito na rin yung paraan namin para mapalapit sa mga tao at mag-thank you mismo sa kanila. Sana abangan nyo’ po sa telebisyon ang aming pelikula kasi grabe ang eksena namin ni Sen. Bong, pasabog ang eksena namin,” sabi pa ni Gonzalez.