Ariel Inton LCSP founder, Atty. Ariel Inton

Review ng no contact apprehension hiniling

May 28, 2021 People's Tonight 186 views

Pasaway na driver parusahan ‘wag operator, owner — LCSP

HINILING ng commuter at transport groups sa Metropolitan Manila Development (MMDA) at mga local government units (LGUs) na i-review ang implementation ng no-contact-apprehension upang ipataw ang nararapat na parusa at multa sa mga pasaway na driver at hindi sa mga operator at may ari ng sasakyan.

Sa isang interview, sinabi ni Atty. Ariel Inton, founder ng Commuters Safety and Protection (LCSP), na maganda ang layun ng NCA lalo na sa mga pasaway na mga drivers subalit may “due process mechanism” na dapat ipatupad.

Ayon kay Inton, reklamo ng transport sector lalo na sa hanay ng bus at taxi na hindi ang mga drivers na nahuhuli sa NCA ng MMDA at LGUs ang nagbabayad ng multa at nape-penalty kundi ang mga operators.

Sa ilalim ng NCA policy, ang registered owner ng sasakyan ang basis ng violation at hindi yung driver. Base sa plate number ng kotseng nahagip sa camera, ipinadadala ang summons sa may ari na siya ring kinakasuhan ng violation at pinagmumulta, saad ni Inton.

Tinukoy ni Inton ang reklamo ng ilang mga taxi at bus operators na hindi makapag- renew ng kanilang mga sasakyan sa Land Transportation Office (LTO) dahil sa dami ng huli ng NCA.

“Hindi naman ang mga operators ang nahuhuli kundi yung kanilang mga drivers bakit sila ang nagdurusa,” reklamo ng mga operators kay Inton.

“Ang dapat i-suspend ay lisensya kung hindi magbabayad ang driver. Pero may pangbayad ba naman ang driver? Paano na ang dapat kitain ng mga LGU? Ang paniwala natin ay ang no-contact apprehension ay ipinatutupad para disiplinahin ang mga driver at maiwasan ang kotongan. Hindi dapat isyu ang pagkakakitaan lalo kung ang pera ay galing sa tao na walang kasalanan,” saad ni Inton.

Ganumpaman ay maaring makaisip ng paraan para ma-proteksyunan din ang interes ng mga LGU. At sa usaping ito nararapat marahil na magkaroon ng isang batas para sa no-contact-apprehension, saad ni Inton.

AUTHOR PROFILE