Reunion movie nina Joshua at Julia: Bakit kumikita?
MAY mga pagsasama talagang aprubado ng mas nakararami. Napatunayan ito ng ‘reunion’ nina Joshua Garcia at Julia Barretto, hindi sa totoong buhay, kundi sa pelikulang “Un/Happy for You” na ayon sa report ay nakapagtala ng P20.5 milyon kita sa takilya sa unang araw nito sa mga sinehan sa buong bansa. Tinatayang ito ang pinakamalaking opening gross ng isang local movie ngayong 2024.
Naging trending topic sa X noon pang premiere night nito at nagsimula na rin ang ibang netizens na magbahagi ng kanilang positibong feedback tungkol sa pelikula online.
Sa premiere night noong Agosto 13, ipinahayag nina Joshua at Julia ang kanilang pasasalamat sa kanilang mga tagahanga, pamilya, kaibigan, at mga tao sa likod ng “Un/Happy For You.”
“Gusto ko lang magpasalamat sa lahat—sa fans, sa family namin na andito, sa friends namin, sa bosses thank you, sa Star Cinema salamat sa pagtitiwala sa amin ni Julia. Sa Viva Films of course at sa buong team ng Un/happy For You,” ani Joshua bago magsimula ang film screening.
Samantala, ‘overwhelmed’ naman si Julia sa pagmamahal at suporta ng kanilang loyal fans.
“Sobrang nakaka-overwhelm ‘yung suporta na pinapakita niyo. Sobrang nagpapasalamat kami sa lahat ng efforts niyo. Sana po magustuhan niyo siya [Un/Happy For You],” sabi ni Julia.
Pero nangangahulugan lamang na suportado ng mas nakararaming fans ang kanilang tambalan ni Joshua, kahit na nga alam ng publiko na may kanya-kanya na silang karelasyon sa totoong buhay–si Julia sa actor, businessman at Navy reservist na si Gerald Anderson, at si Joshua sa French-Filipina golfer at owner ng Luciana’s Maison Bakery na si Emilienne Vigier.
Matatandaang hindi naman ganito kalakas ang pelikula ni Julia noon katambal si Gerald gayundin ang kanyang solo starrer na “Expensive Candy.”
So maybe, ang pagiging malakas ng pelikula sa takilya ay hindi lang dahil sa ‘pagbabalikan’ nina Joshua at Julia. Ikunsidera din natin na mahusay ang pagkakasulat ng script nina Kookai Labayen, Crystal San Miguel, and Jen Chuaunsu at ng direksyon ni Petersen Vargas. Marami pang factors kung bakit nagandahan ang mga manonood sa pelikula, at malamang na nakatulong din ang mahusay na support nina Nonie Buencamino, Ketchup Eusebio, John Lapus, Kaila Estrada, Aljon Mendoza, Victor Silayan, Bong Gonzales, Meann Espinosa, Bianca De Vera at iba pa.
Sa isang very enterprising film producer, isang follow-up movie ang pwedeng ilatag sa kanila on the table. But we don’t think it would happen very soon. Sabi nga, timing is the key. Right now, let them enjoy the moment, the box-office rewards, and for the fans, the euphoria of the reunion.