Retiradong US Air Force, kinakasama tiklo sa MJ

May 14, 2021 Gil Aman 133 views

Arestado ang 36 anyos na Retiradong US Air Force gayundin ang kinakasamang 28 anyos na Filpina dahil sa paglabag sa Sec. 5, 11 at 16 (Cultivation or Culture of Plants Classified as Dangerous Drugs) Article II ng RA 9165, sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na kagawad ng NCRPO Regional Intelligence Division (RID) Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), RSOG, Taytay at Taguig City PNP Huwebes ng hapon sa Bgy. Ususan, Taguig City.

Sa ulat ni NCRPO RDEU chief PMaj. Ryan Jay Orapa, kinilala ang suspek na si Raul Antonio Cisneros ng 10th Street, Queens Village, New York, USA at kinakasama nitong si Meljie Maquilling ng Bgy. Sibuling, Plaridel, Misamis Occidental at kapwa ng 411 Kamala Building 4th level, Royal Palm Residence Acacia State, Bgy. Ususan, Taguig City.

Base sa talaan ng Taguig City Police, nabatid na dati ng naaresto ang suspek noong ika-20 ng Hulyo 2019 hinggil sa paglabag sa Sec. 5 at 11 ng RA 9165 (Selling and Possession of Ecstacy Tablets) samantalang nakalaya naman ito.

Sa imbestigasyon, bandang 2:30 ng hapon ng magkasa ng Anti-Illegal Drugs Operation ang mga operatiba sa bahay ng mga suspek habang isa sa mga ito ang nagpanggap na poseur buyer gamit ang halagang P5,000.

Lumilitaw sa report na isa sa naarestong drug suspect ng Taytay PNP ang nagbigay ng matibay na impormasyon kaugnay sa iligal na gawain ng mag-live-in partner na sina Cisneros at Maquilling (Illegal Cultivation of Cannabis/Marijuana) kasunod ang inilatag na surveillance operation ng mga ito sa lugar.

Nakumpiska ng mga operatiba sa bahay ng mga suspek ang nasa 137 pots na may nakatanim na marijuana na iba’t iba ang laki, maraming apparatus, hindi pa mabatid na gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na may kabuoang halaga na umaabot sa mahigit na dalawang milyong piso (P2,226,000.00).

Kasalukuyang nakapiit ang mga suspek sa RDEU Custodial Facility habang ang dalawang anak ng mga ito na isang 2 taong gulang na babae at apat na buwan na sanggol na lalaki ay nasa pangangalaga ngayon ng City Social Welfare and Development.

AUTHOR PROFILE