Retiradong junior PNP, AFP officers: BBM kami!

April 6, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 83 views

WALA pang isang buwan matapos magpahayag ng suporta ang mga dating chief of staff ng Armed Force of the Philippines (AFP) at mga hepe ng Philippine National Police (PNP), gayundin ang mga retired generals, aabot naman sa 500 retiradong pulis, sundalo, at marines ang nagpahayag na rin ng suporta sa kandidatura ni presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (BBM).

“Kaming mga retiradong sundalo, pulis, at bantay-dagat na naghain ng aming talino at kung kakailanganin ang aming buhay bilang sergeant majors, police executive senior police officers, master CPO of the Coast Guard, at senior non-commissioned officers, tungo sa katahimikan, kaligtasan, at kaunlaran ng ating bansang Pilipinas ay buong pusong sumusuporta sa kandidatura ni Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos [BBM] na tumatakbo sa bilang presidente sa halalan sa May 9, 2022,” anang mga dating non-commissioned officers sa manifesto na ipinaabot sa tanggapan ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP).

Karamihan sa mga lumagda ay may mga ranggo na corporal, sarhento, master sergeant, at tinyente.

Naniniwala ang mga ito sa kakayahan ni Marcos para pamunuan ang bansa, bukod sa sinserong pagmamahal sa bayan.

Higit sa lahat, sinabi ng mga “retirees” higit din ang kanilang paghanga sa panawagang pambansang pagkakaisa ng kapwa Pilipino na magdadala sa pag-unlad ng bansa.

“Malakas ang aming paniwala na si Bongbong Marcos (BBM) ang Pangulong kailangan ng bawat Pilipino,” sabi pa nila.

Kung matatandaan, halos 100 retired generals mula sa AFP at PNP ang nagbigay din ng kanilang suporta sa kandidatura ni Marcos.

Ang suportang ito ay pormal pang pinirmahan ng mga dating heneral sa isang event sa Marikina, may dalawang linggo na ang nakararaan.

Sabi ng mga retiradong awtoridad, isa rin sa nagpalakas ng pagpapahayag nila ng suporta kay Marcos sa paniwalang ang katunggali nitong si Bise Presidente Leni Robredo ay may diumanong “alyansa” sa mga “teroristang” komunista.

Nitong nakalipas na Martes ay hayagan na kinondena ni Medal of Valor awardee retired Colonel Ariel Querubin ang ginawang pagsuporta ni Robredo sa mga teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Sa isang “open letter”, ibinunyag ni Querubin na na-brief siya ng mga opisyal ng PNP at mga representative ng National Task Force on Ending Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC) at mga dating rebeldeng NPA ukol sa “ugnayan” ni Bise Presidente Robredo sa rebeldeng grupo.

“As a soldier and a Medal of Valor awardee who has fought the CPP/NPA and a witness to soldiers who died in combat fighting the enemies of the state, I will not support a candidate who has alleged links with our enemies,” ani Querubin.

Ang open letter ni Querubin ay bilang tugon sa pahayag ng kinaanibang “Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals” (BCBP) na nagbigay naman ng suporta kay Bise Presidente Robredo.

Dahil dito, agad nagbitiw si Querubin bilang miyembro ng naturang grupo.

AUTHOR PROFILE