Default Thumbnail

Resolusyong kumikilala sa husay ng pamumuno ni Yorme, ipinasa ng Konseho

July 15, 2022 Edd Reyes 301 views

MAYNILA – Nagpasa ng resolusyon ang ika-12 Sangguniang Panlungsod (SP) ng Maynila na pinamunuan ni Vice Mayor Yul Servo Nieto bilang presiding officer na naglalayong bigyan ng mataas na parangal si dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa ginanap na regular na sesyon nitong Huwebes.

Ang inakdang Resolution No. 124 Series of 2022 nina Konsehal Joel “JTV” Villanueva at Konsehal Ernesto “Jong” Isip, Jr. na sinuportahan ng lahat ng miyembro ng konseho ay naglalayong kilalanin at papurihan si dating Mayor Isko Moreno Domagoso sa kanyang masiglang pamumuno na dahilan upang malagay sa ika-34 na puwesto ng “Time Out Index” ang Lungsod ng Maynila mula sa 53 magagaling at mahuhusay ng lungsod sa buong mundo.

Nakasaad sa naturang resolusyon na sa panahon ni Mayor Isko bilang alkalde, ipinamalas niya ang hindi pangkaraniwang uri ng paninindigang pulitikal at pangakong lutasin ang napakalaking suliranin at hamon na matagal na napabayaan ng mga nakaraang administrasyon.

Sinasabi pa sa resolusyon na ang hindi pa kailanman nasisilayang dedikasyong pulitikal, katatagan, at katibayan sa pamumuno ng dating alkalde ay nagresulta sa hindi akalaing pagbabago ng Lungsod ng Maynila sa paglutas sa kahirapan, paghahatid ng serbisyo sa publiko, pagtatayo ng mga imprastrakturang pakikinabangan ng mga tao, edukasyon, at pangkalusugan.

Ang ginawang hakbang ni Mayor Isko na harapin ang paglaban sa mapanganib na pandemiyang dulot ng nakahahawang sakit na COVID-19 ang dahilan upang maipagmalaki ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila na nagsilbing “modelo” upang tularan ng iba pang lokal na pamahalaan sa buong bansa.

Binanggit din ng Konseho ng Lungsod ang napakaraming tinamasang pagkilala, papuri, at komendasyon na inani ng dating alkalde kabilang na rito ang inihaing House Resolution No. 298 ni Ako Bisaya Party-list Rep. Sonny Lagon na may titulong “A Resolution Commending Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso for his Dynamic Leadership as Mayor of the City of Manila whose decisive Programs and Action in his First Few Weeks in Office Raised the Bar in Local Governance”.

Binanggit pa sa resolusyon na hindi isang napakaliit na parangal ang maging ika-34 sa bilang ng mga tinaguriang “The Best Cities in the World” na umagaw ng atensiyon sa mata ng maraming mamamayan sa buong mundo nang hindi dahil sa kahirapan at katiwalian kundi sa progreso at pagunlad.

Mismong si Mayor Sheila Marie “Honey” Lacuna-Pangan, kasama sina Vice Mayor Yul Servo Nieto, 2nd District Congressman Roland Valeriano, Konsehal Villanueva at Isip, Jr., kasama ang ilan pang miyembro ng konseho ang nag-abot ng kopya ng ipinasang resolusyon kay dating Mayor Isko Moreno sa tanggapan ng kasalukuyang alkalde sa Manila City Hall.

AUTHOR PROFILE