Residente sa Isla Puting Bato ipinalikas ni Mayor Honey
INIUTOS ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang paglilikas sa mga residenteng naninirahan sa tabing dagat ng Isla Puting Bato, Tondo dahil sa matinding buhos dahil sa habagat at bagyong Carina noong Martes ng umaga.
Sa ibinahaging impormasyon ni Manila Public Information Office (MPIO) chief Atty. Princess Abante, umabot sa 25 pamilya na apektado ng malakas na ulan ang inilikas ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at dinala sa Delpan Evacuation Center sa Binondo.
Nagkaloob ang MDRRMO ng mga tents sa mga pamilyang nasa evacuation center habang ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa pangunguna ni Director Asuncion “Re” Fugoso ang namahagi ng pagkain, hygiene kits at food boxes.
Binisita nina Mayor Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang mga apektadong pamilya sa evacuation center para tiyakin na mabibigyan sila ng tamang atensyon at iba pang pangunahing pangangailangan.
Nauna rito’y iniutos na ng alkalde ang suspensyon ng klase sa elementarya at high school sa lahat ng pribadong paaralan sa Maynila dahil sa yellow rainfall warning ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Nilinaw ni Atty. Abante na tanging mga pribadong paaralan ang iniutos na suspendihin ang klase dahil sa susunod na linggo pa ang pasok sa mga public schools sa Maynila.