Residente ng EMBO naging emosyonal
Sa pagkawala ng health center, yellow card
NAGING emosyonal ang pahayag ni Mary Grace Garcia, residente ng EMBO (Enlisted Men’s Barrio), habang ipinapahayag ang kanyang pagkadismaya sa umano’y kakulangan ng aksyon ni Makati Mayor Abby Binay para sa kapakanan ng kanilang komunidad matapos ang desisyon ng Korte Suprema na ilipat ang kanilang hurisdiksyon sa Lungsod ng Taguig.
Inireklamo ni Garcia ang pagsasara ng mga health center sa mga barangay ng EMBO noong nakaraang taon.
Bukod pa rito, inalmahan din ng mga residente ang pagtanggal ng mga ‘yellow card,’ na dati’y nagbibigay ng libreng serbisyong medikal sa 10 barangay ng EMBO.
Lalong naging mahirap ang sitwasyon para sa mga pasyente, partikular na ang mga senior citizen tulad ni Armando Santocildes, na nagpahayag ng kanyang pagkadismaya.
“Bilang isang senior [citizen], asan na ang mga [health] centers? Dati napakalapit, pero ngayon nagdudusa na ako. Pumupunta pa ako ng Taguig,” ani Santocildes.
Binatikos din ni Santocildes ang mga naging desisyon ni Binay, lalo na ang pagsasara ng mga pampublikong pasilidad na nakalaan para sa pangkaraniwang mamamayan.
“Kung ang adhikain nila ay makatulong sa masa, dapat [mga programa nila] pang-masa,” dagdag pa niya.
At sa pagtakbo ni Mayor Abby Binay bilang senador sa 2025 elections, binatikos ng mga residente ang paggamit niya sa pangalan nina Taguig City Mayor Lani Cayetano at Senator Alan Peter Cayetano sa kanyang mga pahayag laban sa Taguig.
Ayon sa kanila, hindi maganda ang ganitong istilo ng pamumuno ni Binay.
“Mali ang ginagawa niya. Maganda naman ang ginagawa ng mga Cayetano. Bakit kailangan niya pa awayin? Dapat magtulungan at mag-suportahan na lang. Gusto nila maibalik ang nararapat sa mga tao para gumanda ang Pembo. Gusto lang nila makatulong sa amin,” ani Garcia.
“Dapat ’di na ginagamit ni Abby Binay ang mga Cayetano para sumikat pa. Sana po, mga taga-EMBO, gumising na po tayo sa katotohanan,” dagdag ni Santocildes.
Sa gitna ng lumalaking pagkadismaya ng mga residente ng EMBO, tumitindi ang kanilang galit at lumalabas ang mga akusasyon na si Binay ay nagpapakitang-tao lamang.
“Pinahirapan na niya masyado ang mga tao sa EMBO. Hinahanap ko y’ung huling salita niya noon na ipaglalaban niya ang mga [tao] sa EMBO, ngayon iniwan niya nalang basta-basta na hindi man lang niya ipinaglaban,” ani Cherry Vera, isa pang residente.
Hindi lang ang pagsasara ng mga health center ang ikinagalit ng mga residente. Pati mga fire station, day care center, at covered courts sa mga barangay ng EMBO ay isinara rin ng Makati, na nagdulot ng kakulangan ng mahahalagang pampublikong pasilidad sa komunidad.