Yul Servo

Rep. Yul, nagbigay-pugay kay Gat Andres

December 1, 2021 Ian F. Fariñas 364 views

IPINAGDIWANG nu’ng Martes ang ika-isang daan limangpu’t walong taon ng pagkabuhay ni Gat Andres Bonifacio, ang tunay na Ama ng Demokrasya ng Pilipinas at nag-iisang Ama ng Rebolusyon ng ating Bansa.

Para sa marami, maaaring hindi na importante ang kaalaman sa kasaysayan pero hindi napapansin ng lahat ay ang kasaysayan ang humubog sa isang bansa at nagpatatag sa bawat Filipino at patuloy na dumadaloy sa lahat ng aspeto ng ating pamumuhay.

Sabi nga ni Gat Andres: “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila. Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa. Aling pag-ibig pa? Wala na nga wala.”

Ang kinatawan ng ikatlong distrito ng Maynila na si Yul Servo Nieto ang nanguna sa pagpasa ng House Resolution no. 01416 na naglalayong ma-recover at ma-preserve and “Katipunan Documents” mula sa Spain.

Nilalaman umano ng mga dokumento ang daan-daang mahahalagang papeles, ulat at sulat-kamay na mga liham nina Gat Andres, Emilio Jacinto, Pio Valenzuela at iba pang opisyales ng Katipunan.

Kahit nakuha natin noong 2012 ang digitalized copy ng mga dokumento na nasa pangangalaga ng National Historical Commission of the Philippines, mahalaga pa ring makuha ang orihinal na kopya nito. Isinusulong din ni Rep. Yul ang House Resolution no. 2835 o ang pagkilala kay Gat Andres bilang unang Presidente ng Pilipinas at pagtuturo ng katotohanang ito sa mga estudyante.

Ang ikatlong House Bill ni Rep. Yul ay ang House Bill no. 10542 o ang pag-uutos sa mga kolehiyo at unibersidad sa Maynila — pribado man o pang-publiko — na isama sa curricula ang mga kursong laan sa buhay at heroism ni Gat Andres.

Bilang Manileño si Gat Andres, ani Yul, nararapat lamang na maituro sa lahat ng kolehiyo at unibersidad dito ang paksa ukol sa kanyang mga naisulat, nagawa at buhay.

Makatutulong daw ang paksang ito na magkaroon ng mas malalim na nasyonalismo at pagiging Makabayan kung ang mga kabataan.

Ang panghuli ay ang House Bill no. 10557 o ang paglulunsad ng Andres Bonifacio Museum sa Maynila.

Naniniwala si Rep. Yul na ang Andres Bonifacio Museum ay higit na makakatulong sa paglikha ng bagong salaysay at pananaw sa kanyang buhay at pamana.

Ang pagtatatag ng museo ay isa sa mga pinakaepetikbong paraan ng pagbibigay-alam at pagtuturo sa mga kabataan lalo na’t mayroon silang kapasidad at kalayaan para bumuo ng sariling interpretasyon at pag-iintindi base sa nababasa at nakikitang mga larawan at dokumento.

Ayon pa kay Rep. Yul, “Oras na para malaman ang lahat ng katotohanan tungkol kay Gat Andres Bonifacio, na siya’y higit pa sa isang matapang na mandirigmang nagsimula ng pag-alsa laban sa mga dayuhang nanakop sa kanyang inang bayan.

“Siya ang tunay na Ama ng Demokrasya ng Filipinas at siya ang totoong unang Pangulo ng ating bansa. Ang mga panukalang batas na ito ay walang anumang layunin na guluhin ang naunang kaalaman natin tungkol sa ating kasaysayan, bagkus nais ng mga ito na itama ang matagal nang mali, at ipagmalaki at kilalanin natin ang Pambansang Bayani sa paraan na makakatulong sa mga susunod na henerasyon.

“Dahil ang kasaysayan ng isang bansa at kaalamanan ukol dito ay napakalaki ng epekto sa ating pagkatao bilang mga Pilipino. Inaanyayahan ang publiko na mamulat sa ating kasaysayan, at humihingi tayo ng suporta mula sa Kongreso at Senado.

“Tayo na’t punan ang puwang ng kaalaman tungkol sa Pangulong Andres Bonifacio sa pamamagitan ng lubos na pagkakaisa kung paanong itinaguyod niya ang ating bansa laban sa mga dayuhan, siya naman ngayon ang ating ipaglaban.”

AUTHOR PROFILE