Tulfo

Rep. Tulfo pinalaya ng 5 araw ng pulis na nakakulong sa Kongreso

February 13, 2024 People's Tonight 301 views

HINILING ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na pansamantalang palayain sa loob ng limang araw ang mga pulis na nauna nang na-contempt sa Kongreso dahil sa kanilang patuloy na pagsisinungaling sa pagdinig sa Kamara kaugnay ng pagdakip, pagkulong, pagnanakaw at pangingikil sa apat na Chinese nationals.

Sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety nitong Martes na pinamunuan ng chair na si Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez, sinabi ni Rep. Tulfo ng ACT-CIS partylist na payagan makalaya sa loob ng limang araw ang walong pulis na nakaditine sa Kongreso matapos i-cite ng contempt.

Inihayag ni Tulfo ang kanyang mosyon, matapos hilingin ng isang pulis na kung maari ay pansamantala silang makalaya para sagutin ang kanilang mga kasong summary dismissal sa PNP.

“For humanitarian reason at gusto nating ipaalam na ang Kongreso ay may puso,” ani Tulfo kasabay ng pahayag na para na rin makasama ng mga pulis ang kanilang pamilya ngayong Valentine’s day.

Agad namang nag second the motion si 1-Rider partylist Rep. Bonifacio Bosita sa mosyon ni Tulfo kaya pinayagan ito ni Rep. Fernandez, ang chairman ng kumite.

Pero agad ding binalaan ni Fernandez ang mga pulis na bumalik ang mga ito makalipas ang limang araw. Kung hindi umano ang mga ito babalik ay mapipilitan silang mag-isyu ng warrant of arrest laban sa mga ito.

Matatandaan na na-contempt ng House Committee on Public Order and Safety at inatasang makulong ng 30 araw sa Kongreso sina Police Brigadier General Roderick D. Mariano at Police Colonel Charlie Cabradilla kaugnay sa ilegal na pag-aresto sa apat na Chinese national.

Ito’y matapos mapagdesisyonan ni Rep. Tulfo na nagsisinungaling ang dalawa.

Inaprubahan din ng Komite ang mosyon na nagpapalawig ng 15 araw sa pagkulong sa anim pang pulis na una nang na-cite in contempt at ikinulong sa nakaraang pagdinig ng Kamara.

“All these officers present here have been lying to their teeth. May imbestigador na, lumabas na ang imbestigasyon ng PNP. Habang nagsisinungaling itong mga ito at ayaw pa nilang umamin sa kanilang panloloko at manghuhuthot, may I suggest that we cite them in contempt,” bulalas ni Tulfo.

AUTHOR PROFILE