Rep. Tulfo kinastigo DA
KINASTIGO nitong Martes ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo ang Department of Agriculture (DA) dahil umano sa kawalan ng aksyon ng ahensya para mapababa ang presyo ng bigas sa kabila ng umiiral na mababang taripa sa bigas at pagbaba ng presyo nito sa world market.
Sa isinagawang pagdinig para sa Murang Pagkain Supercommittee ng House of Representatives na binuo sa pamamagitan ng House Resolution No. 254 ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kinwestyon ni Tulfo ang DA kung bakit hindi bumababa ang presyo kahit na ayon sa monitoring ay mababa ang presyo nito sa world market. Bukod pa rito ang mas mababang taripa sa bigas na 15 porsyento mula sa 35 percent base na rin sa utos ni Pangulong Marcos.
“Ang tanong po sa inyo, what are you doing, Department of Agriculture? Kaya nga, binabaan ang taripa ng Pangulo para makabili ang mga Pilipino
ng bigas. Bakit hindi pa rin sila makabili? Bakit P50 pa rin ang bigas? You tell me that. You tell that to the Filipino people,” giit ni Tulfo. Sa kasalukuyan, nasa P50-P60 ang per kilo ng bigas
Kinumpirma naman ni Usec Asis Perez, ng DA na mababa na nga ang presyo sa world market ng bigas at maging sila ay nagtataka kung bakit hindi bumababa ang presyo ng bigas sa merkado.
“Kahit po kasi kami, nakikita namin na tama po yung sinasabi ninyo na looking at the international prices, that’s the reduced tariff, dapat po hindi na P44 yung presyo po ng pinakamurang bigas. Dapat po malapit na sa P30. Pero hindi nga po nangyayari. We understand that we are very thankful to this committee na binibigyan po natin ng pansin so that we can resolve this,” tugon ng opisyal ng DA.
Pero hindi nagustuhan ni Tulfo ang sagot ng opisyal dahil tila wala umanong ginagawa ang ahensya para tugunan ang problema.
“Three months na ho bumaba ang taripa. It’s already November, wala pa rin ginagawa. At sasabihin nyo, pasalamat sa committee na ito, hindi ho namin trabaho yun. Trabaho ninyo, magsama-sama kayo (ng iba pang mga ahensya). Ang importante, makabili si Juan, Maria, ng murang bigas,” giit ni Tulfo.
Kinastigo rin ni Tulfo ang mga ahensya ng gobyerno matapos nilang aminin sa kumite na mga importer lamang ang nakikinabang sa pagbaba ng taripa sa bigas at hindi ang consumer o publiko.
“Sino ang nakinabang sapagbaba ng taripa? Dapat savings po yan, at dapat napupunta sa taong bayan. Dito po sa scenario na ito, malinaw na hindi po si Juan at si Maria. Sigurado tayo na ‘iyon pong nagi-import ang mas nakikinabang at hindi po talaga si Juan at si Maria,” ani Tulfo.