Rep. Frasco: Mga Cebuano mas uunlad
Sa tulong ng world-class public market sa Bgy. Consuelo
NANINIWALA si House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Congressman Vincent Franco “Duke” D. Frasco na malaki ang maitutulong sa ekonomiya ng Cebu City at maging sa kabuhayan ng mga Cebuano ang nakatakdang pagtatayo ng public market sa Barangay Consuelo sa bayan ng San Francisco.
Binigyang diin ni Congressman Frasco na ang napipintong konstruksiyon ng public market sa Barangay Consuelo ay maituturing na importanteng haligi para maging maunlad ang kabuhayan at ekonomiya sa bayan ng San Francisco dulot ng mga papasok na magagandang oportunidad.
Sinabi ni Frasco na kapag natapos na ang konstruksiyon ng nasabing public market, ito na aniya ang simula ng pagbubukas ng magagandang oportunidad para sa mga Cebuano kabilang na dito ang pagtatayo ng mga negosyo, kabuhayan, kalakalan at pagkakaroon ng mga trabaho.
Ipinaliwanag din ng Senior House Leader na ang public market na itatayo sa Barangay Consuelo ay ‘world class” at maipagmamalaki ng mga residente ng San Francisco town sapagkat ang mga isda at iba pang produkto na ibebenta dito ay sariwa.
“This public market will be one of the most essential pillars in the life of a community and the progress of its community. It creates many opportunities for local businesses and employment, gives residents better access to fresh locally grown products and serves as a place for social and economic activities among others,” Sabi ni Frasco.
Nauna rito, Sinabi ni Frasco na personal nitong pag-aari ang nasa 1,287 square meters ng lupain na nabili ng mambabatas sa halagang P700,000 mula sa kaniyang sariling pondo upang i-donate o ibigay sa Barangay Consuleo na nakatakdang pagtayuan naman ng public market.
Ayon kay Frasco, ang nakatakdang konstruksiyon ng public market ay nakikita din nito bilang sentro ng kalakalan at komersiyo na malaki ang maitutulong at mai-aambag sa ekonomiya ng San Francisco na makapagbibigay naman ng napakalaking benepisyo para sa mga mamamayan ng Camotes.
“The soon to be constructed public market in barangay Consuelo is seen to be a center for trade and commerce which shall contribute greatly to the economy of San Francisco and benefit the people of Camotes and their families,” ayon pa kay Frasco.