Rep. Frasco isinulong P100M farm-to-market road sa Cebu
DETERMINADO si House Deputy Speaker at Cebu 5th District Rep. Vincent Franco “Duke” D. Frasco na maisaayos ang kabuhayan at kalakalan ng kaniyang mga kababayan sa pamamagitan ng isinulong nitong Farm-to-Market Road project sa Barangay Tag Ubi, Cebu City.
Kasunod ng paglulunsad ni Frasco ng kaniyang Public Market project sa Bgy. Consuelo sa bayan ng San Francisco, sinundan naman ito ng Farm-to-Market Road project sa Bgy. Tag Ubi na bahagi ng Liloan-Asturias Bypass Road project na nagkakahalaga ng kabuuang P100 milyon.
Bukod dito, nabatid kay Frasco na isa pang Farm-to-Market Road project din ang kaniyang inilunsad sa Barangay Mulao sa bulubunduking lugar ng Compostela na nagkakahalaga naman ng P15 million na mag-uugnay sa Purok 6 at Purok 8 hanggang sa public market ng nasabing lugar.
Ipinaliwanag ng kongresista na layunin ng dalawang Farm-to-Market Road projects na maisaayos ang mga kalsada sa Bgy. Tag Ubi at Bgy. Mulao upang mapabilis ang transportasyon ng mga produkto partikular na ang mga agricultural products patungo sa mga pamilihan.
Sinabi ni Frasco na sa pamamagitan ng mga inilunsad niyang proyekto, mas mapauunlad ang kabuhayan ng kaniyang kababayan sapagkat hindi na sila mahihirapan pang mag-transport ng kanilang mga produkto patungo sa mga pamilihan.
Nauna rito, nagpahayag ng tiwala at optimismo si Frasco na dadaloy ang masaganang kalakalan sa Cebu City sa oras na tuluyang maisakatuparan ang mga proyektong isinusulong nito, kabilang ang public market sa Bgy. Consuelo sa bayan ng San Francisco.
Ayon kay Frasco, ang pagpapatayo ng public market sa Bgy. Consuleo ay maihahalintulad sa isang gripo ng tubig na dadaloy ang masaganang kalakalan dahil sa pagpasok ng mga malalaking negosyo.