Rep. Del Mar handang tulungan mga OFW apektado ng airport ‘glitch’
KINUMPIRMA ni OFW Party-list Representative Marissa del Mar na maraming bilang ng overseas Filipino workers (OFWs) ang nanganganib mawalan ng trabaho dahil sa abalang nilikha ng “air traffic system glitch” noong nakalipas na Bagong Taon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa isang pahayag, sinabi ni Del Mar na kabi-kabilang reklamo at sumbong umano ang kanilang natatanggap hinggil sa mga OFW na posibleng mawawalan ng trabaho dulot ng naturang insidente sa pambansang paliparan.
Karamihan sa mga OFWs na ito ay natapat sa ilang employers na hindi diumano makaintindi sa tunay na dahilan kung bakit na-delay ang kanilang flight at hindi nakapag-report sa tamang oras o araw na itinadka ng kanilang mga amo.
“Hindi gusto ng mga OFWs ang nangyaring kapalpakan sa Civil Aviation Authority of the Philipines (CAAP) kaya hindi sila nakasakay ng eroplano. Ang mga OFWs na ito bago pa man umalis sa kanilang bahay sa mismong New Year’s Day ay nakahanda nang iwan ang kanilang pamilya para lamang makipagsapalaran sa abroad. Iyon pala pagdating nila sa airport ay hindi rin sila makakalis sa bansa,” ani Del Mar.
“Ang masaklap, hindi na nga sila nakaalis sa mismong araw ng kanilang flight ay wala na rin pala silang babalikan o pupuntahang trabaho sa abroad,” wika pa ng kongresista.
Sinabi ni Del Mar na tungkulin ng pamahalaan na bigyang prayoridad ang anumang tulong at pangangailangan ng mga apektadong OFWs dahil sa aberya ng air traffic system glitch.
Ramdam ng kongresista ang labis na kalungkutan at pag-aalala ng mga OFW, kaya bilang tugon, nanawagan ito sa mga apektadong OFWs na makipag-ugnayan agad sa kanyang tanggapan o mag-iwan ng mensahe sa OFW Party-list social media account.
“Nananawagan ako sa kanila, partikular na ang mawawalan ng trabaho sa abroad likha ng naturang aberya na makipag-ugnayan sa aking tanggapan at nakahanda po tayong sila’y tulungan,” sabi pa ni Del Mar.
“Kung kinakailangang ipasok sila ng ibang trabaho ay pipilitin nating ipasok sila sa ibang ahensiya,” pagbibigay-diin pa ng mambabatas na kampeon ng OFWs.
Base sa report, umabot sa 3,000 OFWs mula sa 65,000 kabuuang bilang ng pasahero ang naperwisyo dahil sa pag-divert o pagsuspinde ng 361 domestic at international flights Enero 1, unang araw ng Bagong Taon.