Default Thumbnail

Relief formula nila Gov Tan at Sec. Gatchalian

May 25, 2023 Allan L. Encarnacion 226 views

Allan EncarnacionNGAYONG linggo hanggang sa mga susunod na araw ay papasok ang isa sa sinasabing pinakamalakas na bagyo ngayong taon na pinangalanang Betty ng Pag-asa na may international name na Mawar.

Sa tuwing humahataw ang ganitong kalamidad, maraming infrastractures ang nagsasara dahil sa mga napuputol na puno, landslide, mga kableng or posteng nagbagsakan at kung anu-ano pang debris sa kalye.

Ang nagiging kasunod na problema ay kung paano makakarating ang tulong ng gobyerno sa mga kababayan nating naapektuhan ng kalamidad.

May ginagawa namang prepositioning ng mga relief goods ang pamahalan sa mga lugar na tatamaan ng bagyo pero hindi ito sumasapat sa dami ng mga nagiging biktima. May mga pagkakataon pa na lumilihis ang bagyo sa mga lugar na wala sa forecast kaya lalong lumalaki ang problema ng pamahalan sa pagpapadala ng tulong.

Gusto nating masubukan ang bagong formula nila Quezon Governor Helen Tan at DSWD Secretary Rex Gatchalian sa paghahanda ng mga relief goods sa tuwing may bagyo.

Ayon kila Gov Helen at Sec Gatchalian, kailangang ma-decentralize na ang relief operations para hindi nagiging problema ang disposal and distribution sa mga intended beneficiaries.

Ang gusto nilang mangyari, bago pa dumating ang bagyo, ang mga malalaking grocery, mga lokal na pamahalaan at national government ay mayroon nang kasunduan. Halimbawa lang itong si Typhoon Betty na hahataw sa Region 2. Kung tatama sa Isabela, dapat may koordinasyon na para sa supply ng mga pagkain sa pamamagitan ng voucher or food stub system. Sa stub na iyon ay naka-indicate na kung ano ang dapat nilang makuha sa grocery na calamity aid ng pamahalaan. Halimbawa 4 na lata ng sardinas, tatlong kilong bigas, instant coffee at noodles na sapat para sa tatlong araw na supply.

Makakatipid dito ang gobyerno dahil mawawala na ang “shipping cost” na kailangan mo pang umarkila ng maraming trak or gumamit ng mga sasakyan at eroplano ng militar. Pati ang repacking at item segration na kailangan ng manpower ay mawawala na rin. Hindi pa magkakaroon ng isyu sa mga walang madaanan at or hindi passable ang mga dadaanan.

Isa ito sa nakikita nating pinakamagandang formula na naisip nila Gov Helen at Secretary Rex magmula nang maimbento ang gobyerno sa ating bansa. Sa matagal na panahon ay palagi na lang isyu ang mabagal na dating ng pagkain para sa mga biktima ng kalamidad dahil sa mga problemang wala naman sa kamay ng pamahalaan ang dahilan.

Mawawala pa rito ang monopolyo ng mga supplier sa DSWD national office at mapapalakas ang economic activity sa iba’t ibang rehiyon kahit tumama ang kalamidad. Ang kailangang bantayan na lang dito ay ang distribution ng stubs dahil baka mga kamag-anak nila kapitan, mga lider nila mayor at mga bataan nila congressman at mga gobernador ang mapaboran nang husto.

Nasa tamang management style at common sense lang talaga ang solusyon sa iba’t ibang problema ng bansa kaya gusto nating masubukan ang ganitong panukala nila Governor Doktora Helen at ni DSWD Sec. Gatchalian sa lalong madaling panahon.

[email protected]